12 patay matapos araruhin ng isang trak ang palengke sa Berlin


Image by Paul L. Parets via Facebook post

MAYNILA, Pilipinas– Isang dosena katao ang kumpirmadong patay matapos araruhin ng isang trailer truck ang isang palengke sa gitna ng Christmas shopping sa Berlin, Germany Lunes ng gabi.

Kaagad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na tumakas mula sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa ulat ng mga lokal na pahayagan at telebisyon, nakita umano ng ilang testigo ang nasabing trak na tumatakbo ng halos 65 kph (40 mph) bago nito inararo ang hanay ng mga stalls kung saan maraming namimili sa Breitscheidplatz malapit sa simbahan ng Kaiser Wilhelm dahil na rin sa nalalapit na Kapaskuhan.

Nakita ring tumakas ang suspek matapos ang insidente subalit sinundan umano ito ng isang nakakita at isinuplong sa maykapangyarihan. Nahuli rin ito ng mga pulis ilang milya ang layo mula sa palengke.

Bagama’t wala pang inilabas na pagkakilanlan ng suspek ang pulisya, lumabas sa ilang ulat na isa itong Pakistani o Afghan na nag-migrate sa bansa ilang taon pa lang ang nakararaan.

Umabot naman sa 48 katao ang nasugatan sa insidente at karamihan dito ay napaulat na nasa maselang kalagayan.

Samantala, tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na ang nangyari ay bahagi ng isang ‘terror attack’.

Ang kompanya ng nasabing trak ay pag-aari ng isang Polish na si Ariel Zurawski. Ayon sa panayam kay Zurawski, nawalan umano sila ng kontak sa nasabing sasakyan bandang alas-4 ng hapon (local time) habang ito ay palabas ng Poland patungong Berlin.

Ang kaniyang pinsan mismo na isa ring Polish ang regular na drayber ng trak subalit hindi sila naniniwalang magagawa ito ng huli. Maaari daw na na-hijack ang trak at puwersahan itong tinangay.

“My scenario is that they did something to him and hijacked this truck,” paliwanag ni Zurawski.

Mayroon din umanong natagpuang bangkay ng isang lalaki sa loob ng naturang trailer subalit wala pa itong pagkakilanlan.

Kuwento naman ng ilang nakasaksi, malaki ang posibilidad na sinadya ng drayber ng trak na araruhin ang palengke at mayroon itong intensiyong manakit, kung hindi man makapatay, ng mga tao.

“There’s no way it was an accident,” kuwento ni Emma Rushton, isa sa mga nakasaksi, sa CNN. “We saw at least 10 people injured and lying on the ground.”

Nakarating na rin umano kay Chancellor Angela Merkel ang pangyayari, at ngayo’y nag-utos na ang lider ng isang masusing imbestigasyon.

This article has been viewed 550 times. Article originally posted: December 20, 2016, 10:58 am (UTC-0). Last update: December 20, 2016 at 10:58 am (UTC-0).

Facebook Comments