[Babala] Bagong modus: ‘Flat screen TV’ na ibinebenta, plywood lang pala


Image from Sulit De-senyo Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Pinag-iingat ngayon ang publiko sa isang bagong uri ng modus kung saan ang ibinebentang ‘flat screen TV’ kuno ay isa lang palang plywood.

Dahil malapit na ang Pasko, marami sa mga tao ngayon na nakatanggap ng bonus man o 13th month ay naglalaan ng pambili para panregalo sa kanilang minamahal o para sa sarili.

Ilan sa mga regalong ito ay mamamahalin katulad ng mga electronic gadgets, appliances at mga kauri nito. Kaya ganun na lamang ang maaaring maging panghihinayang ninuman oras na malaman na ang kanilang perang pinaghirapan ay mauuwi lang sa wala.

Isang bagong modus ngayon ang nadiskubre ng isang grupo sa Facebook at mariing pinag-iingat ang publiko laban dito.

Ayon sa isang post na kumakalat sa social media, bumili umano ang isang sikat na Facebook group ng isang mamahaling ‘flat screen’ na telebisyon.

Subalit nang dumating ito, nadiskubre na naloko pala sila ng kanilang pinagbilhan.

Sa larawang ibinahagi sa Facebook, makikita ang isang mistulang malaking telebisyon na nababalutan ng itim na plastic at mayroon pang mga sticker.

Sa unang tingin ay hindi maipagkakamali na isa nga itong malaking telebisyon. Subalit nang tanggalin na ang balot na plastik, ang nasa loob pala nito ay isang piraso ng 3/4″ na plywood.

“Bagong Modus nabili sa isang sikat na Facebook Groups akala nila Malaking Flat Screen TV nabili nila yun pala 3/4 na plywood ang nakuha nila,” ito ang caption ng post na ibinahagi ng Sulit De-senyo Facebook page.

Hindi naman binanggit sa post kung saan at paano nabili ang naturang item.

Ganunpaman, nawa ay magsilbi itong babala at paalala sa mga nagnanais gumasta ngayong Pasko para sa regalo na maging maingat at siguruhing may kredibilidad ang online shop na kanilang binibilhan.

Source :

Facebook

This article has gone viral and has been viewed 59152 times so far. Article originally posted: December 20, 2016, 11:06 am (UTC-0). Last update: December 20, 2016 at 11:06 am (UTC-0).

Facebook Comments