Bong Revilla muling pinayagan ng Sandiganbayan na bisitahin ang maysakit na ama


Images from KDN Files

MAYNILA, Pilipinas – Sa pangalawang pagkakataon ngayong buwan, muling pinayagan ng Sandiganbayan si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., na bisitahin ang kaniyang maysakit na ama sa ospital.

Matatandaang pinayagan na ng Sandiganbayan na makapiling ni Revilla ang kaniyang ama Disyembre 16 matapos isugod ang huli sa pagamutan.

Ang nakatatandang Revilla ay kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU) ng St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City sa Taguig. Isinugod ito dahil sa sakit na severe sepsis secondary to pneumonia.

Nitong Miyerkules, Disyembre 28, muling pinayagan ng Sandiganbayan sa pamamagitan ng isang resolusyon ang nakapiit na dating senador upang dalawin ang kaniyang ama sa pagamutan.

‘Humanitarian reasons’ ang ibinigay na dahilan ng korte sa pagsang-ayon nito sa pangalawang ‘furlough’ ni Revilla.

Nakatakdang dalawin ng aktor ang kaniyang ama sa St. Luke’s sa mga petsang Disyembre 29 at 31 at sa Enero 1. Siya ay binibigyan lamang ng anim na oras bawat araw sa kada pagdalaw niya.

Hindi rin siya maaaring pumunta sa iba pang lugar sa mga araw na nabanggit. Mayroon ding ibibigay na escort ang Philippine National Police (PNP) para bantayan ang kaniyang mga kilos.

Pinagbawalan din ng Sandiganbayan si Revilla na magbigay ng panayam sa media habang nasa labas ng piitan.

Ang dating senador ay kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame matapos masangkot sa P10-B ‘pork barrel scandal’ tatlong taon na ang nakakaraan.

This article has been viewed 2250 times. Article originally posted: December 29, 2016, 7:14 pm (UTC-0). Last update: December 29, 2016 at 7:14 pm (UTC-0).

Loading...