China lalo pang pinalakas ang kanilang depensa sa West Philippine Sea – Report


Image from AMTI

MAYNILA, Philippines – Lalo pa umanong pinalakas ng bansang Tsina ang kanilang istrukturang pangdepensa sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea; ito ang ibinulgar ng US think-tank na Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) sa kanilang pinakahuling report.

Naglabas din ang AMTI ng mga larawan kung saan makikita ang malaking pagbabago sa mga nasabing isla mula nang ito ay makunan ng litrato sa himpapawaid ilang buwan pa lang ang nakararaan.

Sa pinakahuling mga satellite image ng AMTI, makikita ang mga hugis hexagon na mga gusali sa bawat islang inaangkin ng komunistang bansa sa West Philippine Sea.

Pinaniniwalaang ang mga istrukturang ito ay malalakas na ‘anti-aircraft guns’ at ‘close-in weapons system’ o CIWS na maaaring gamitin laban sa mga sasakyang panghimpapawid na daraan sa ibabaw ng naturang teritoryo.

“These gun and probable CIWS emplacements show that Beijing is serious about defense of its artificial islands in case of an armed contingency in the South China Sea,” ayon sa report ng AMTI.

Pinangangambahan din na ang mga modernong sandatang ito ay gamitin laban sa posibleng pag-atake ng US gamit ang mga cruise missiles.

Ayon kay AMTI director and Southeast Asia expert Greg Poling, ang pinakabagong pangyayari ay unti-unting nagbubunyag ng tunay na plano ng Beijing sa pinagtatalunang teritoryo.

Matatandaang iginigiit ng Tsina na wala silang balak magpalakas ng depensa sa South China Sea, sa kabila ng pagdududa ng Amerika at ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ang dating hidwaan ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea ay tuluyang naisantabi nang pumasok ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpahayag ng suporta sa Beijing, habang patuloy na tinutuligsa ang Washington.

Dahil dito, nagkalamat ang relasyon ng US at Pilipinas at ngayon ay pinangangambahang posibleng mauwi sa tuluyang paghihiwalay ng dating malapit na magkaalyado sa Asia-Pacific region.

Ayon kay Poling, hindi malayong magpadala na rin ang Tsina ng mga anti-ship cruise missiles sa hinaharap, maliban pa sa mga nakaposisyon nang mga radar at communications systems, naval facilities, air bases at defensive weaponry sa lugar.

“You are beginning to have these interlocking rings of defense around these islands, (extending) China’s ability to project power to the south,” babala ng eksperto.

This article has been viewed 659 times. Article originally posted: December 15, 2016, 5:33 am (UTC-0). Last update: December 15, 2016 at 7:10 am (UTC-0).

Loading...