Daan-daang alakdan inabandona sa isang pantalan sa Palawan


Image from Animal World

Natagpuan ng Philippine Coast Guard ang halos 400 na mga alakdan sa ilang kargamento na inabandona sa isang pantalan sa Palawan.

Ayon sa ulat ng Balita,  nasa 376 na Malaysian Forest Scorpions ang nakitang nakasilid sa mga lata at pinagkasya sa dalawang kahon na kabilang sa mga kargamentong inabandona sa Liminangcong Pier sa Taytay, Palawan noong Linggo, ika-18 ng Disyembre.

Ang mga malahiganteng alakdan na kayang lumaki hanggang anim na pulgada ay nadiskubre matapos humingi ng tulong sa Coast Guard Sub-Station ang isang empleyado ng nasabing pantalan tungkol sa mga inabandonang kargamento sa cargo holding area ng pier.

Itinatayang aabot sa P564,000 ang halaga ng mga alakdan na karaniwang ginagawang pet.

Sinabi ng PCG na isang nagngangalang “Marissa” ang nagdala ng mga bagahe na naglalaman ng alakdan, pero idineklarang mga kasuy ang laman ng kargamento. Dadalhin sana ang mga alakdan sa Maynila.

 Nasa Palawan Council for Sustainable Development na ang mga nakumpiskang alakdan para sa kaukulang disposisyon.

 

This article has been viewed 896 times. Article originally posted: December 20, 2016, 6:52 am (UTC-0). Last update: December 20, 2016 at 6:52 am (UTC-0).

Loading...