Dating pulis, inamin ang partisipasyon sa ‘Davao City market bombing’


Image from KDN FIles

MAYNILA, Pilipinas – Inamin ng isang dating pulis ang kaniyang pagkakasangkot sa pagbomba sa isang palengke sa lungsod ng Davao noong Setyembre na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng halos 70 pa.

Ayon kay PO2 Jessy Vincent Guinto Original, dating nakadestino sa Antipolo City police, kasama umano siya sa nagplano sa pagbomba sa Roxas night market kung saan nagsilbi siyang ‘lookout’ ng grupo.

Si Original, isang Muslim convert at gumagamit ng alyas na Abu Aisha, ay naaresto ng awtoridad noong Disyembre 22 sa isang checkpoint sa Sitio South Madalum, Barangay Nabalawag, Barira sa probinsiya ng Maguindanao.

Kasama niyang nahuli sina Arumpac Ibrahim Pandita, Hamsa Bagul, Musa Rasamal, and Mohammad Said Jamla na kapwa miyembro ng Maute Group, bagama’t si Original lamang ang pinaniniwalaang sangkot sa pambombomba.

Ayon pa kay Original, kasama rin umano siya sa grupo na umatake sa bayan ng Butig sa Lanao Del Sur kung saan kinubkob nila ng ilang araw ang lumang munisipyo bago sila napalayas ng militar.

Matapos lisanin ang Butig kasama ang Maute Group, nagtago umano sila sa kabundukan ng Barira upang takasan ang mga humahabol na tropa ng gobyerno.

Si Original ang pangsiyam na suspek sa ‘Davao City bombing’ na naaresto ng awtoridad sa loob ng tatlong buwan.

Nauna nang nasakote ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon sina  Wendell Apostol Facturan, Musali Mustapha, TJ Tagadaya Macabalang,  Mohammad Lalaog Chenikaniyil alias “Datu Bol,” Jackson Mangulamas Usi alias “Abu Mansor/Jam,” Zack Villanueva Lopez alias “Haron,” Ansan Abdulla Mamasapano alias “Abu Hamsa, at Jerico Javier De Roma alias “Kokoy” na kusang sumuko noong Nobyebre 10.

This article has been viewed 1248 times. Article originally posted: December 29, 2016, 5:45 pm (UTC-0). Last update: December 29, 2016 at 7:24 pm (UTC-0).

Facebook Comments