Manila, Philippines
News Ticker

Duterte inaming may ‘utang na loob’ kay Gov. Imee Marcos

Image from Imee Marcos Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon siyang ‘utang na loob’ kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos noong tumatakbo pa lamang siya sa eleksiyon.

Ayon kay Duterte, wala umano siyang pinagkakautangan ng loob maliban na lamang sa ilang tao at personalidad. Ito raw ang kaniyang naging ‘saving grace’ sa kaniyang liderato ngayon.

“I can succeed in war on drugs because my saving grace is… wala akong utang na loob na kahit kanino except three or four persons,” ayon kay Duterte sa isang panayam ng CNN Philippines.

Nang tanungin kung sino ang mga personalidad na ito na pinagkakautangan niya ng loob, binanggit kaagad ng Pangulo ang pangalan ni Imee.

“Imee. And because I promised to bury Marcos during the campaign period in the debates,” pag-aamin ng presidente.

Dati nang inamin ni Duterte na isa si Imee Marcos sa nagbigay ng malaking halaga sa kaniyang campaign fund, bagay na pinabulaanan naman ng panganay na anak ng dating diktador.

Hindi rin kasama ang gobernador sa listahan ng mga ‘campaign contributor’ na nakasaad sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na isinumite ng kampo ni Duterte.

Matatandaang nabatikos ng mga kritiko si Duterte matapos nitong ihayag na wala siyang balak hadlangan ang plano na ilibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Libingan ng mag Bayani.

Maliban kay Imee Marcos, binanggit din ni Duterte ang mga pangalan nina Bataan Governor Abet Garcia at Bukidnon Governor Jose Zubiri Jr., bilang ilan sa kaniyang pinagkakautangan ng loob.

This article has been viewed 1061 times.
Loading...