Insentibo para sa AFP Medal of Valor awardees tinaasan, posibleng umabot sa P75K kada buwan


Images from AFP Facebook page/ Wikipedia BY WP:NFCC#4

MAYNILA, Pilipinas – Magiging maganda ang bungad ng Bagong Taon para sa mga Medal of Valor (MOV) awardees ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa 2017; ito ay matapos na itaas ng gobyerno ang kanilang insentibo na maaaring umabot sa P75,000 kada buwan.

Ang magandang balita ay inanunsiyo ng pamunuan ng AFP sa ginanap na ika-81 anibersaryo ng sandatahang lakas nitong Miyerkules sa Camp Aguinaldo.

Ayon kay bagong AFP Chief of Staff  Lt. Gen. Eduardo Año, maging ang ‘combat pay’ ng mga sundalo ay magtataas din simula Setyembre sa susunod na taon. Ito ay bukod pa sa pag-sasaayos ng V. Luna General Hospital kung saan ang mga sundalo at civilian personnel ng AFP ay nagpapagamot.

Kinumpirma naman ito sa isang panayam ng mga mamamahayag kay Retired Marine Col. Ariel Querubin, isa ring Medal of Valor awardee.

“Well, we are very, very happy. Although that doesn’t have much effect on us senior officials, but to those enlisted personnel or low ranking soldiers that’s a big deal because their allowance is much bigger compared to the basic pay of the AFP chief of staff,” ani Querubin.

Ayon kay Querubin, mula sa halagang P25,000, posible umanong umabot ang naturang insentibo hanggang P75,000 simula sa Enero 1, 2017.

Base sa kasalukuyang batas, ang Republic Act No. 9049, ang bawat MOV awardee ay tatanggap ng kaukulang insentibo na nagkakahalaga ng P20,000 habambuhay, bukod pa sa tinatanggap na buwanang sahod o pensiyon mula sa gobyerno.

Ang planong itaas ang nasabing benepisyo ay nagmula pa umano sa rekomendasyon ni dating chief of staff Gen. Ricardo Visayan at inendorso naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana.

Dumaan din ito sa pag-aaral ng Department of Budget at nitong Martes lamang ay tuluyan nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kasalukuyan, mayroong halos 40 na Medal of Valor awardee ang AFP, 17 dito ay buhay pa at ang 5 ay nasa aktibong serbisyo pa rin.

This article has been viewed 567 times. Article originally posted: December 23, 2016, 4:42 am (UTC-0). Last update: December 23, 2016 at 11:04 am (UTC-0).

Facebook Comments