Libo-libo dumalo sa kaarawan ng dalagitang Mehikana matapos aksidenteng mag-viral sa internet ang imbitasyon


Image capture of video by Top News via YouTube channel

Libo-libong tao mula sa iba’t ibang dako ng Mexico ang dumalo sa “quinceañera” o ika-labinglimang kaarawan ng dalagitang si Rubi Ibarra noong Lunes, ika-26 ng Disyembre, dahil sa imbitasyon na nag-viral sa internet.

Matatandaang gumawa ng video ang ama ni Rubi upang mag-imbita sa kaarawan ng anak. Ipinost ang video sa Facebook, pero sa kasawiang-palad ay nai-share ang imbitasyon sa publiko sa halip na sa mga malalapit na kaibigan at kamag-anak lamang.

Sabi ng ama ni Rubi sa video: “Hello, kumusta kayo? Iniimbitahan namin kayo sa ika-26 ng Disyembre para sa ikalabinlimang taong kaarawan ng aming anak na babae. Ang lahat ay malugod naming inaanyayahan.”

Kumalat at ginawang katuwaan sa internet ang imbitasyon. Mahigit isang milyong social media users ang nagsabing dadalo sila sa “quinceañera” ni Rubi. Sumakay pa sa katuwaan ang Mexican Airline na Interjet at nag-offer ng 30-percent discount promotion sa flights patungo San Luis Potosi kung saan gaganapin ang kaarawan ng dalagita. “Are you going to Rubi’s party?” sabi sa promotion banner ng Interjet Airlines.

Dahil sa nangyari, naging instant celebrity sa kanilang lugar si Rubi. Dinagsa ito ng mga reporters sa kanyang kaarawan upang makapanayam. Nagkaroon pa ng imbitasyon ang dalagita na lumabas sa isang soap opera sa telebisyon – ang “The Rose of Guadalupe.”

This article has gone viral and has been viewed 42781 times so far. Article originally posted: December 27, 2016, 12:17 pm (UTC-0). Last update: December 27, 2016 at 12:50 pm (UTC-0).

Facebook Comments