OFW na empleyado ng money exchange sa Dubai, inakusahang ‘nangupit’ ng pera


Image from Emirates 24/7

Posibleng makulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) na empleyado ng isang money exchange center sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) matapos itong mahuli sa CCTV na nangupit ng pera mula sa isang customer at sa kapwa-empleyado.

Ayon sa ulat ng Khaleej Times, nakunan umano sa CCTV ang pagnanakaw ng halagang AED1,000 (P13,600) ng 35-anyos na Pinoy mula sa cash register box ng kaniyang kasamahan nang malingat ang huli at magpunta sa palikuran.

Napansin umano ng accountant na nawawala ang naturang halaga at nang tingnan ang CCTV ay nakitang ang Filipino pala ang may gawa.

Nangyari umano ang insidente noong nakaraang buwan.

Sa isa namang pagkakataon, kinupitan din umano ng nasabing OFW na hindi pinangalanan ang isang kustomer na Intsik; ito ay ayon sa kuwento ng Jordanian na kasamahan ng suspek sa trabaho.

Sa pagkakataong ito, sadya umanong inihulog ng Pinoy ang AED1,000 sa sahig nang bigyan siya ng halagang AED2,000.

Dahil naniwala naman ang customer, binigyan muli ang Pinoy ng karagdagang AED1,000 pa.

Umamin naman sa kaniyang kasalanan ang akusado nang komprontahin ito matapos matingnan ang kopya ng CCTV.

Nahaharap ngayon sa kasong pagnanakaw ang suspek at nakatakdang bumaba ang sentensiya ng korte sa Enero 16.

This article has been viewed 3155 times. Article originally posted: December 22, 2016, 1:50 pm (UTC-0). Last update: December 22, 2016 at 1:50 pm (UTC-0).

Loading...