Palasyo itinangging ‘paghahanda’ sa Martial Law ang magkasunod na pagsabog sa Leyte at N. Cotabato


Image from Hilongos Leyte Bombing Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ng ilan tungkol sa umano’y paghahanda ng gobyerno na ideklara ang batas militar sa bansa matapos ang magkasunod na pagsabog sa North Cotabato at Leyte na ikinasugat ng marami nitong Miyerkules lamang.

Matatandaang unang naiulat ang pagsabog sa Hilongos, Leyte pasado alas-9 ng Miyerkules ng gabi sa kalagitnaan ng ginanap na piyesta ng bayan.

Mahigit 30 ang nasugatan sa insidente na nagmula sa pinasabog na dalawang pirasong improvised explosive device (IED) sa Hilongos Municipal Plaza.

Sinundan ito makaraan ang ilang oras ng isang pagsabog naman sa Aleosan, North Cotabato kung saan 6 na katao ang nasugatan.

Pareho pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang magkahiwalay na insidente.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi umano naglalatag ng entablado ang administrasyong Duterte para tuluyang maideklara ang ‘martial law’ sa bansa.

“At this stage, there are no indications regarding that matter. These are all being considered. For example, the situation in Hilongos, Leyte… these are not areas that are really subject to threats like bombings,” giit ni Abella.

“That’s exactly why it’s all under investigation right now. But these are not indicators that the context is being set up for let’s say declaration of martial law, for example. No,” dagdag pa ng opsiyal.

Lumabas ang pahayag ng Malakanyang sa gitna ng usap-usapan na posibleng ibalik ng kasalukuyang administrasyon ang batas militar gamit ang malawakang kampanya nito laban sa ilegal na droga.

Nangako naman ang mga kritiko ng Pangulong Duterte na lalabanan nila ang anumang plano ng gobyerno na magdeklara ng ‘Martial Law’ sa kabila ng pahayag ng presidente na walang kabutihang naidulot sa bansa ang batas militar noon sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

This article has been viewed 130 times. Article originally posted: December 29, 2016, 5:42 pm (UTC-0). Last update: December 29, 2016 at 5:42 pm (UTC-0).

Loading...