Manila, Philippines
News Ticker

Pambihirang tagumpay nakamit sa paglaban sa Cancer

Image from Martin County Health Department

Pambihira ang nangyari sa isang lalaki na may nakamamatay na brain cancer na kumalat na hanggang sa kanyang gulugod. Ang mga tumor na tumubo doon ay lumiit at ilang panahon din na naglaho ang mga iyon matapos gawin sa kanya ang bagong paraan ng panggagamot upang tulungan ang kanyang immune system na atakihin ang sakit.

Ang uri ng immunotherapy na ginamit kay Richard Grady, 50-taong gulang na taga-Seattle, ay nagamit na rin sa paggamot  ng ibang uri ng cancer tulad ng leukemia, pero ang paraan na ginamit sa paggamot sa brain cancer niya ay bago.

Si Grady pa lang umano ang taong nabigyan ng treatment kung saan ipinadaloy ang T-cells sa isang tubo patungo sa isang puwang sa loob ng utak, kung saan nanggagaling ang spinal fluid.

Ipinadaloy ang mga T-cells, na kinuha mula sa dugo ni Grady, kung saan dumaan ang mga cancer cells.

Matapos ang ginawang treatment, lumiit ang mga tumor, ayon kay Dr. Behnam Badie, ang neurosurgery chief sa City of Hope, isang cancer center sa Duarte, California.

Sa ika-sampung gamutan, tuluyan nang naglaho ang mga tumor at nakabalik na sa normal na pamumuhay si Grady.

 Sa ulat ng Fox News, sinabi umano ni Dr. Badie na ang magandang response ni Grady sa immunotherapy ay tumagal ng pitong buwan. May tumubo uling mga tumor sa kanyang utak at gulugod na ngayon ay ginagamitan ng radiation treatment, pero ani Badie, para mabuhay ng mahigit isa at kalahating taon mula nang gawin ang treatment ay nakagugulat sa sitwasyon na kadalasan ang survival ay bumibilang lang ng ilang linggo.

Ang kaso ni Grady ay naiulat sa New England Journal of Medicine.

 

This article has been viewed 1342 times.
Loading...