Para ‘iwas-kurap’, gobyerno gagamit ng mga ‘drones’ upang i-monitor ang mga proyekto


Image from Geek on Gadgets

MAYNILA, Pilipinas – Isang bagong hakbang ngayon ang pinag-aaralan ng adminisitrasyong Duterte para masugpo ang kurapsyon at upang mapabilis na rin ang mga proyekto ng pamahalaan na pinaglaanan ngayong taon ng halos P8-T na budget.

Ayon kay Department of Finance (DoF) Secretary Carlos Dominguez III, pinag-iisipan nila ang paggamit ng mga ‘drones’ upang masubaybayan ang ‘progress’ ng mga proyekto lalo na ang malalaking inprastraktura na nakatakdang gawin sa taong papasok.

Isa umano ito sa magiging paraaan kung nasa tamang iskedyul ba ang pag-usad ng proyekto at kung ang mga ginamit dito ay ayon sa ‘specification’ na hinihingi ng gobyerno.

Maaari din umanong gamitin itong hakbang upang mabawasan, kung hindi man tuluyang matigil na, ang talamak na kurapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan.

“So this will be open to the public and available to anyone who’s interested, both, as I said, drone pictures, drone images, as well as financial contract information. So this is going to be done in that fashion,” paliwanag ni Dominguez.

Maliban dito, ang mga detalye at larawan ng proyekto ay maaari rin umanong i-upload sa mga website ng gobyerno kung saan ang mga netizen ay maaaring magkomento sa takbo ng pag-usad ng proyekto o magbigay ng suhestiyon ukol dito.

Nagkaroon na umano ng mga pag-uusap tungkol sa bagay na ito ang kaniyang opisina at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) and the National Economic and Development Authority (NEDA) para sa maayos na implementasyon ng programa.

Isa pa sa tinitingnang hakbang ng gobyerno, ayon pa kay Dominguez, ay ang paghahati-hati ng malalaking proyekto sa maraming contractor at ang pag-iiwas muna sa mga PPP o public-private partnership na sistema, lalo na kung kaya rin lang naman ng ahensiya ng pamahalaan na ipatupad ang nasabing proyekto.

“A PPP typically takes 13 months to get it going, with the bidding and the negotiations for the contracts. So the projects that we can do ourselves, like, we have immediately, two road-widening projects in Bulacan and north of Manila, totaling about probably 40 kilometers, [that] will be done directly by the DPWH,” ayon pa sa kalihim.

This article has been viewed 261 times. Article originally posted: December 22, 2016, 1:59 pm (UTC-0). Last update: December 22, 2016 at 1:59 pm (UTC-0).

Facebook Comments