Pinay, sinentensiyahan ng 10-taong pagkabilanggo sa Kuwait dahil sa pagsapi sa ISIS


Image from KUNA

Isang Pilipina na nagtrabaho sa Kuwait bilang isang domestic helper ang sinentensiyahan ng isang korte doon ng hanggang sampung taong pagkabilanggo dahil sa koneksiyon niya sa teroristang grupong Islamic State na mas kilala sa tawag na ISIS.

Ayon sa Yahoo News, ipade-deport sa Pilipinas ang 32-anyos na hindi pinangalanang Pinay kapag natapos na niyang bunuin ang sampung taong sentensiya.

Ang Pinay ay naaresto noon pang Agosto ng taong kasalukuyan; dalawang buwan matapos niyang dumating sa Kuwait upang magtrabaho bilang isang kasambahay. Sinabi ng Interior Ministry noong panahong iyon na umamin ang Pilipina sa kasapi siya ng ISIS at nagpaplanong magsagawa ng pag-atake.

Nakita rin sa kanyang mga email ang pakikipag-ugnayan niya sa mga kaanib ng ISIS sa Libya at ang panunumpa niya ng katapatan sa teroristang grupo.

Ayon umano sa Pinay OFW, ang asawa niya, na isang aktibong mandirigma ng ISIS, ang nagkumbinsi sa kanya na magtungo sa Kuwait bilang domestic helper.

This article has gone viral and has been viewed 28733 times so far. Article originally posted: December 26, 2016, 4:48 pm (UTC-0). Last update: December 27, 2016 at 12:53 pm (UTC-0).

Facebook Comments