Pinoy, nanghostage at nanlaban sa mga pulis sa Las Vegas


Image from Las Vegas Metropolitan Police

Isang Pilipino na naninirahan sa Coral Cactus Court sa Las Vegas, Nevada ang inaresto matapos niyang sindakin ang kanyang pamilya, mangidnap ng mga kapitbahay at makipagbarilan sa mga pulis.

Nag-ugat umano ang insidente dahil hindi matanggap ng suspek na iiwan na siya ng kanyang nobya na nakarelasyon niya ng mahabang panahon. May tatlo umano silang anak.

Ayon sa ulat ng Las Vegas Sun, nagkaroon ng limang oras na stand off sa pagitan ng suspek, na kinilalang si Edison Somera, 37-taong gulang, at mga pulis bago siya mahinahong sumuko.

Batay sa ulat, limang araw bago maganap ang insidente ay tinutukan ni Somera ng baril ang nobya at nagbanta ng: “Kung hindi ka magiging akin, walang maaaring umangkin sa ‘yo.”

Sa dakong huli kasi ng pagsasama ay hindi na maganda ang relasyon ng mag-nobyo na umabot pa sa puntong nabigyan ng isang korte ang babae ng temporary protective order, kung saan hindi maaaring lumapit sa kanya si Somera.

Paulit-ulit umanong tumatawag sa telepono si Somera sa dati niyang nobya pero hindi ito sinasagot kaya nagpasya siyang puntahan ang dati nilang tirahan. At doon na nangyari ang hostage-taking at pakikipagpalitan ng putok sa pulisya.

Muling tinutukan ni Somera ng baril ang nobya, pero nakipagbuno sa kanya ang isang anak nilang lalaki kaya nakatakas ang babae. Hinostage ni Somera ang kanyang mga anak at dinala sa ikalawang palapag ng bahay bago muling hinanap ang nakatakas na nobya. Nakatakas din ang magkakapatid.

Sa galit ni Somera, lumabas ito ng bahay at nanghostage ng dalawang kapitbahay at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis. Matapos ang limang oras na stand off, kusang sumuko si Somera.

Sinampahan si Somera ng patung-patong na mga kaso kabilang na ang three counts ng kidnapping at seven counts ng assault.

 

This article has been viewed 2918 times. Article originally posted: December 29, 2016, 5:24 pm (UTC-0). Last update: December 29, 2016 at 5:24 pm (UTC-0).

Loading...