Preso tumakas ilang araw bago matapos ang sentensiya; Bilibid na-lockdown


Images from KDN Files/Inquirer

MAYNILA, Pilipinas – Isang preso ang nakatakas mula sa National Bilbid Prison (NBP) nitong Martes, Disyembre 20, na naging sanhi upang ipag-utos ang pansamatalang ‘lockdown’ sa pambansang piitan ng bansa sa Muntinlupa City.

Kinilala ng Inquirer sa ulat nito ang preso na si Manuel Paril Jr. na nasentensiyahan sa kasong ‘homicide’ at ‘frustrated homicide’. Nakatakda na umanong lumaya sana si Paril ngayong buwang ito pagkatapos makumpleto ang kaniyang sentensiya.

Ayon sa isang opisyal ng Bilibid, kasalukuyang pinaghahahanap ngayon ang naturang pugante na pinaniniwalaang nasa loob pa ng compound ng Bilibid.

“NBP is on temporary shutdown pending completion of search operations. There is a possibility escapee Paril is still within the prison grounds,” pahayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Benjamin Delos Santos.

Maaaring maharap din umano sa imbestigasyon ang mga guwardiyang may hurisdiksiyon kay Paril.

“Appropriate investigation to determine administrative and criminal liability of escort guards are also being undertaken,” dagdag pa ng opisyal.

Si Paril ay itinuturing na 2nd most wanted man sa probinsiya ng Quezon kung saan mayroon pa itong kinakaharap na dalawang kaso ng panggagahasa.

Dati nang napalaya si Paril sa bisa ng isang parole subalit ibinalik ito sa kulungan matapos labagin ang kasunduan bilang isang parolado.

Nakatakas umano ito matapos sirain ang isang pintuan sa pangalawang palapag ng administration building.

This article has been viewed 2846 times. Article originally posted: December 20, 2016, 11:10 am (UTC-0). Last update: December 20, 2016 at 11:10 am (UTC-0).

Facebook Comments