Saudi OFW na namatay matapos sumabog ang planta, ‘di pa rin natatagpuan matapos ang 2 buwan


Image from Charlemagne Senedo's Facebook account

MAYNILA, Philippines – Humihingi na ng tulong ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) na namatay at ngayon ay hindi pa rin natatagpuan matapos ang pagsabog sa planta na kaniyang pinagtatrabahuan sa Saudi Arabia.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Mercy Senedo, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa umano natatagpuan ang katawan ng kaniyang mister na si Charlemagne Senedo at isa pang OFW; halos dalawang buwan na ang nakararaan simula nang sumabog ang nasabing planta kung saan siya nagtatrabaho bilang instrument technician.

Habang ang iba umanong OFW ay nailigtas at ang ilan ay napauwi na rin sa Pilipinas, wala pa raw silang balita sa resulta ng paghahanap sa dalawang biktima.

Nais lang umanong makita ng pamilya ang labi ng nasawi, kahit na buto na lamang ito upang maipa-DNA at maipalibing nang maayos.

Humingi na ng saklolo ang pamilya Senedo sa Department of Foreign Affairs  (DFA) at maging sa  Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Paliwanag naman sa isang opisyal ng OWWA, wala pa raw silang natatanggap na sagot mula sa gobyerno ng Saudi Arabia simula nang magpadala sila ng kalatas dito para magtanong tungkol sa kinahinatnan ng kaso.

Noong Oktubre 19, sumabog ang isang imbakan ng krudo ng Saudi Aramco sa may Wasea ilang kilometro lang ang layo sa Riyadh.

Pinaniniwalaang nasa pipeline na sumabog si Charlemagne nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ng Arab News, dalawa ang kumpirmadong namatay sa pagsabog at 17 naman ang nasugatan; ilan dito ay nasa kritikal na kondisyon. Pinaniniwalaang nasa pipeline na sumabog si Charlemagne nang mangyari ang trahedya.

Makalipas ang halos dalawang buwan, hindi pa rin naglalabas ng opisyal na pahayag ang kompanya tungkol sa nasabing aksidente.

This article has been viewed 3346 times. Article originally posted: December 14, 2016, 11:35 am (UTC-0). Last update: December 14, 2016 at 12:45 pm (UTC-0).

Facebook Comments