Sen. Sotto: Walang dapat ikatakot sa PIlipinas kung hindi ka naman tulak o adik


Public Domain image

Kung hindi ka naman isang tulak o adik sa ipinagbabawal na gamot ay walang dapat ikatakot o ikabahala sa Pilipinas, sabi ni Senador Vicente “Tito” Sotto noong Miyerkules, Ika-21 ng Disyembre.

Ang kanyang pahayag, ayon sa ulat ng Inquirer, ay reaksyon sa pagkansela ng sikat na mang-aawit na si James Taylor sa kanyang konsiyerto na gaganapin sana sa bansa sa Pebrero sa susunod na taon.

Napaulat na kinansela ni James Taylor ang Manila leg ng kanyang Pacific concert tour dahil sa umano’y extrajudicial killings sa gitna ng kampanya laban sa droga dito sa bansa.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Taylor na ang sumpa ng adiksyon ay isang pandaigdigang problema na nagdudulot ng pinsala hindi lang sa mga adik kundi maging sa lipunan.

Sinabi pa niya na naiintindihan niya at maaari pang sabihing kapuri-puri ang pag-uusig at pagpaparusa ng isang bansang malaya sa mga taong responsable sa ilegal na kalakalan ng droga.

Kaya nga lamang daw ay lubhang nakapag-aalala at hindi katanggap-tanggap para sa mga taong sumusunod sa alituntunin ng batas ang mga balita mula sa Pilipinas tungkol sa mga pinapatay na suspek nang walang paglilitis o hindi dumaan sa tamang proseso ng hukuman.

This article has been viewed 1718 times. Article originally posted: December 21, 2016, 11:00 am (UTC-0). Last update: December 22, 2016 at 2:21 pm (UTC-0).

Loading...