Steve Harvey inaming may ‘nagbulong’ umano para ideklarang Miss Universe si Miss Colombia


Image capture of video by "The Tonight Show With Jimmy Fallon" via You Tube

MAYNILA, Philippines – Mayroon umanong nagbulong sa kaniyang ‘earpiece’ para ideklarang panalo si Miss Colombia Ariadna Gutierrez bilang Miss Universe noong nakarang taon; ito ang ibinulgar ni Steve Harvey.

Sa panayam kay Harvey sa programang “The Tonight Show with Jimmy Fallon”, inamin nitong nakarinig siya ng boses ng isang lalaki sa kaniyang earpiece na basahin ang pangalan ni Miss Colombia na siyang nakalagay sa hawak niyang card.

“I read the teleprompter, but the guy in my ear said ‘read the next name’ that the teleprompter just said “And the new Miss Universe 2015 is…” and he said read the next name,” kuwento ni Harvey.

“Now I said ‘Miss Colombia’, crowd goes crazy, he goes ‘Great job, Steve’” dagdag pa nito.

Nang bumalik umano siya sa backstage makaraan ang halos apat na minuto, dito lang niya nalaman na mali pala ang nabanggit niyang pangalan ng nanalo.

“And the guy said ‘what are we gonna do?’ and said we’ll straighten it out in the media tomorrow,” patuloy pa ng komedyanteng host ng ‘Family Feud’.

Subalit hindi umano siya pumayag kaya bumalik siya upang iwasto ang pagkakamali.

Matatandaang napuno ng drama, tensiyon at kontrobersiya ang ginanap na Miss Universe 2015 dahil sa nasabing pagkakamali ni Steve Harvey.

Si Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang naideklara nitong panalo sa halip na si Miss Philippines Pia Alonzo Wurtzbach na siyang tunay na nagwagi.

Sa kabila ng naging eskandalo, si Harvey ay muling magbabalik bilang host ng Miss Universe na gaganapin dito sa Pilipinas sa darating na Enero.

Panoorin ang panayam kay Steve Harvey:

This article has been viewed 2052 times. Article originally posted: December 12, 2016, 8:04 am (UTC-0). Last update: December 12, 2016 at 8:04 am (UTC-0).

Loading...