56 patay sa riot sa Brazilian jail, karamihan ay pinugutan at pinagputol-putol ang mga katawan


Image capture of video by Global News Room

Limampu’t anim ang patay sa isang riot sa Anisio Jobim Penitentiary Complex (Compaj) sa Manaus sa Amazonas state sa northwestern Brazil, at diumano karamihan sa mga napatay ay pinugutan ng ulo o kaya naman ay pinagputol-putol ang katawan.

Ayon sa Al Jazeera, sinabi ni Sergio Fontes, ang security chief ng Amazonas state, na ang riot sa Compaj ang pinakamalalang “massacre” na nangyari sa kasaysayan ng mga piitan sa estado. Naniniwala siya na maaari pang tumaas ang bilang ng mga namatay.

Ang riot ay nangyari sa pagitan ng dalawang pinakamalaking gang sa Brazil; ang Family of the North at ang First Capital Command.

Nag-ugat umano ang riot sa agawan sa pagkontrol ng pamamalakad sa piitan.

Sinabi ni Fontes na karamihan sa mga napatay ay kabilang lang sa isang grupo. Aniya, 12 na guwardiya ng bilangguan ang na-hostage pero pinakawalan din matapos ang negosasyon. Wala namang ibang hiningi sa awtoridad ang mga preso kundi ang huwag silang sasaktan kapag nakapasok na ang mga pulis sa Compaj.

Aniya, nagkalat sa loob ng piitan ang katawan ng mga biktima at ang ilang bangkay ay hinati sa apat na bahagi. Ang ilan sa mga biktima ay inihagis pa palabas ng prison wall. Iyon na raw ang pinakamadugong riot na nakita niya sa Brazil.

Samantala, mahigit walumpung preso ang nakatakas sa gitna ng riot sa pamamagitan ng mga tunnels. Apatnapu sa kanila ang muling naaresto at naibalik sa piitan.

This article has been viewed 3668 times. Article originally posted: January 4, 2017, 2:55 am (UTC-0). Last update: January 5, 2017 at 2:48 am (UTC-0).

Loading...