Lider ng terrorist group na Ansar Al-Khilafah Philippines, napatay sa engkwentro sa Saranggani


Image from TRAC

Napatay ng mga operatiba ng pamahalaan ang founder at lider ng bandidong grupong Ansar Al-Khilafah Philippines na si Mohammad Jaafar Sabewang Maguid, alyas Tokboy, sa isang beach resort sa Saranggani.

Si Maguid, ayon kay Chief Supt. Cedrick Train, direktor ng Police Regional Office 12, ang top 1 most wanted criminal sa Saranggani dahil sa mga patung-patong na krimen na ginawa ng kanilang grupo sa Saranggani at sa mga kalapit na lugar.

Ayon sa ulat ng GMA News Online, nagkasa ng operasyon ang pinagsamang puwersa ng National Intelligence Coordinating Agency, Sarangani Provincial Intelligence Branch, 3RD COY Regional Public Safety Batallion 12, Sarangani Provincial Public Safety Company, Regional Intelligence Division 12, at Kiamba Municipal Police Station dakong ala-una ng medaling araw matapos makatanggap ng impormasyon na si Tokboy at tatlong kasama nito ay nasa Angel Beach Resort sa Barangay Kitagas, Kiamba sa Saranggani.

Hinarang ng mga operatiba ang sinasakyan nila Maguid na isang kulay pulang Toyota Wigo, ngunit nagtangka pa itong tumakas at nakipagpalitan ng putok sa raiding team, na humantong sa kanyang kamatayan.

Kinilala naman ang tatlong kasama ni Maguid na sina  Matahata Dialawe Arboleda, Ismael Sahak alyas Mael, and Morhaban Veloso alyas Bugoy. Narekober mula sa kanila ang ilang matataas na kalibre ng mga baril at isang itim na watawat na may logo ng ISIS.

This article has been viewed 506 times. Article originally posted: January 5, 2017, 4:25 pm (UTC-0). Last update: January 5, 2017 at 4:25 pm (UTC-0).

Facebook Comments