[Panoorin] Kauna-unahang giant robot na kinokontrol ng human pilot, isinapubliko na


Image capture of video by Vitaly Bulgarov via Instagram

Ipinakita na sa publiko ng isang South Korean robotics company ang ginawa nilang malahiganteng robot na maaaring paandarin ng isang human pilot at puwede ring gamitan ng remote control. Ang pagde-develop sa robot ay sinimulan noon pang 2014.

Ang labintatlong-talampakan na robot na tinawag na “Method 2” ay tumitimbang ng isa’t kalahating tonelada at ayon sa chairman ng Hankook Mirae Technology na si Yang Jin-Ho, ito ang kauna-unahang robot na bipedal o may dalawang paa na lumalakad na parang tao.

Sa pahayag ni Yang Jin-Ho sa isang video na  ibinahagi ng GMA News Online, sinabi niya na maaaring gamitin sa entertainment ang robot tulad ng pelikula at theme park. Puwede rin umanong gamitin sa mga construction areas na nangangailangan ng lakas.

Dagdag pa niya, idinisenyo ang robot upang makarating sa mga lugar na mapanganib para puntahan ng tao. Aniya, marami na rin ang nagtatanong sa kanila na interesadong gamitin ang Method-2 sa mga pang-militar na operasyon.

Marami ang nagsasabi na ang Method-2 ay kawangis ng Amplified Mobility Platform suit, ang robot sa pelikulang “Avatar.” Ang nagdisenyo ng robot ay si Vitaly Bulgarov, na nakapagtrabaho rin sa mga Hollywood movies tulad ng “Robocop,” Transformers,” at “Terminator.”

Umaasa ang Hankook Mirae Technology na bago matapos ang taong 2017 ay maaari nang mabili ang robot sa halagang 10 billion won ($8.29 millon).

Makikita sa video ang prototype ng Method-2:

 

 

This article has been viewed 678 times. Article originally posted: January 3, 2017, 8:17 am (UTC-0). Last update: January 3, 2017 at 8:17 am (UTC-0).

Facebook Comments