10,000 pulis naka-deploy sa Metro Manila sa pagdiriwang ng Labor Day

Imahe kuha sa video ng PTV

Tinatayang 10,000 pulis ang ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang bantayan at siguruhin ang kaayusan at kapayapaan ng pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa o Labor Day ngayong ika-1 ng Mayo.

Sa ulat ng Brigada News, sinabi ni National Capital Region Police Office Director Camilo Cascolan na ang karamihan sa mga nasabing pulis ay ipapakalat sa mga lugar na pagdarausan ng mga kilos-protesta, samantalang ang iba naman ay magsisilbi bilang special response teams.

Sa tuwing Labor Day ay karaniwan nang nagsasagawa ng mga rally ang ilang militanteng grupo upang isiwalat ang kanilang mga hinaing hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa paggawa. Kalimitan ay sa Liwasang Bonifacio at Mendiola Street na kalapit ng Malacañang isinasagawa ang kilos-protesta.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno at sa Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, inaasahang aabot hanggang 150,000 ang makikilahok sa mga rally ngayong Labor Day.

Nakipag-ugnayan na umano ang kapulisan sa mga lider ng mga raliyista upang masiguro ang kaayusan  sa mga pagkilos na gagawin.

Magpapatupad umano ang Philippine National Police ng maximum tolerance sa pagharap sa mga protesters.

Loading…