Mga pinauuwing OFW sa Kuwait dapat i-deploy sa ibang bansa – mambabatas

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ang mga overseas Filipino Workers (OFW) na tutugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umuwi mula sa Kuwait ay dapat umanong ire-deploy sa ibang bansa, ayon sa isang mambabatas.

Matatandaaang inihayag ni Pangulong Duterte na ang deployment ban ng mga OFW sa Kuwait ay permanente na. Wala na raw mangyayaring recruitment ng mga mangagawa na ipadadala sa Kuwait.

Ayon sa ulat ng Politiko, sinabi umano ni Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel, tagapangulo ng House committee on good government and public accountability, na dapat bigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ibang foreign labor markets ang mga uuwing OFW mula sa Kuwait.

Sabi pa ni Pimentel, may mga mas malalaking labor market naman sa ibang bahagi ng Middle East na nagbibigay ng mas higit na proteksyon sa mga OFW kumpara sa Kuwait.

Binanggit ng mambabatas na ang Saudi Arabia at United Arab Emirates ay makatatlong higit ang laki kaysa sa Kuwait. Ang Qatar, Oman at Bahrain ay tumatanggap rin umano ng mga Filipino workers.

Suhestiyon pa ni Pimentel, dapat umanong bigyan ng Department of Labor and Employment at Technical Education and Skills Development Authority ng bago at mas magandang kasanayan ang mga uuwing OFW.

Comments