Panawagan na itaas ang daily wage sa P750, igigiit sa pagdiriwang ng Labor Day

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa o Labor Day sa ika-1 ng Mayo, mananawagan ang Makabayan Party-List at ilang labor groups na gawing P750 ang minimum wage ng lahat ng manggagawa sa bansa.

Nanawagan naman sa publiko si Anakpawis Representative Ariel Casilao na makiisa sa gagawing panawagan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing pantay-pantay ang arawang sahod ng lahat ng mga manggagawa, ayon sa ulat ng RMN.

Binanggit ni Rep. Casilao na ang pagpapatupad ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) ang isa umanong malaking dahilan upang tumaas ang presyo ng mga bilihin na nagresulta sa pagliit ng halaga ng kasalukuyang P512 na arawang sahod ng maraming manggagawang Pilipino.

Batay umano sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang isang pamilyang may anim na miyembro ay mabubuhay ng disente kung ang arawang kinikita ay P1, 168 kada araw at ang pamilyang may limang miyembro ay mangangailangan ng arawang sahod na P973 upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ang panawagang itaas ang minimum wage ay isa umanong makatarungang kahilingan na dapat suportahan hindi lang ng mga mangagawa kundi ng publiko upang mapilit ang Duterte administration na umaksyon.

Source :

RMN, Bandera

Loading…