Success story! Dating batang kalye, may-ari na ngayon ng dalawang restaurant sa Laguna

Image capture via YouTube channel

Kahit kailan, hindi hadlang ang kahirapan sa buhay upang makamit ang pagtatagumpay.

Napatunayan iyan ng dating batang kalye na si Roy Villegas matapos niyang ilahad ang kanyang success story sa business-oriented show na My Puhunan na hosted ni Karen Davila sa ABS-CBN Kapamilya Network.

Salaysay ni Villegas, lumaki siyang marangya ang buhay. Nagbago ang takbo ng kanyang pamumuhay nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Nagsimulang mawala ang kani-kanilang mga ari-arian at siya ay napabayaan kaya minabuti niyang lumayas sa kanilang bahay; nagpalaboy-laboy hanggang sa maging batang kalye na lamang siya sa gulang na anim na taon.

Upang makakain sa araw-araw, naging barker siya o tagatawag ng mga pasahero sa mga jeep at tricycle, at nangangalakal ng mga bote upang maibenta sa mga junk shop.

Isang araw, napigilan ni Roy ang ilang mga batang nagtangkang magnakaw sa isang bilyaran. Bilang pabuya, binilhan siya ng isang order na bulalo ng may-ari nito. Agad niyang kinain ang bulalo na nakapagpapawi sa kanyang gutom. Minabuti rin ng nagbigay ng bulalo, na isang guro pala, na siya ay ampunin at pag-aralin. Pinagbuti ni Villegas ang kanyang pag-aaral at pagiging atleta. Isa si Villegas sa naging kinatawan ng kanilang unibersidad sa UAAP Basketball tournament.

Tumatak kay Villegas ang naturang “bulalo” kaya naman ito ang naging specialty niya sa kanyang itinayong resaurant sa Laguna nang makapagtapos. Tinawag niya itong “Bulalo sa Banga.”

Bago nito, nagsimula siya sa pagnenegosyo sa pamamagitan ng isang maliit na burger cart business kung saan ang capital lamang niya ay humigit-kumulang limang libong piso. Nabago ang kanyang buhay nang maging costumer niya umano ang ilang miyembro ng bandang Parokya Ni Edgar dahil ipinamalita at nai-promote nito ang masarap niyang paninda.

Don’t be hesitant, no doubt ka dapat sa lahat ng haharapin mo. Pag naisip mo, find a way kasi malay mo ‘yong naisip mong idea na ‘yon could make a difference,”  pahayag ni Villegas.

Inspiring, ‘di ba?

Panoorin ang episode na ito ng My Puhunan via YouTube channel:

 

 

Comments