Doble ingat, mahirap mapagtripan sa daan: Paalala ng netizen na nahampas ang ulo habang naglalakad

Imahe mula sa Facebook Account ni Joanne Estacio
  • Nagbabala ang isang netizen na mag-ingat sa daan para hindi magaya sa kanya na nahampas sa ulo habang naglalakad sa daan
  • Isang babae na tila may sakit sa pag-iisip ang itinurong gumawa
  • Umaasa ang biktima na hindi na maulit sa iba ang nangyaring karahasan sa kanya

“Para sa lahat ng bumibiyahe pauwi galing trabaho, doble ingat po tayo. Mahirap mapagtripan sa daan,” – ito ang babala ni Joanne Estacio, biktima ng karahasan habang siya ay naglalakad sa tapat ng SM North EDSA.

Sa kanyang Facebook post, ikinuwento ni Estacio na habang naglalakad siya ng bandang 9:30 ng gabi sa tapat ng SM North EDSA, biglang may humampas sa kanyang ulo. Sa sobrang hilo,  halos bumagsak na ang katawan niya pero agad siyang naalalayan ng mga nakasalubong sa daan.

Bagama’t iniinda ang sakit at lito pa sa pangyayari ay nagawa niyang magsumbong sa mga pulis. Mabuti na lamang daw at maraming tumulong sa kanya. Ituturo na sana niya kung sino ang suspek nang may biglang sumigaw ng “Eto yun oh,” habang nakaturo sa salarin.

Imahe mula sa Facebook Account ni J. Estacio

Ayon sa biktima, hindi lang iisa ang suspek kundi may mga kasama pa.

“Balak pa akong resbakan nung nakita nila na nagsumbong ako sa pulis. Nung di niya ko malapitan sinapak niya yung isang babaeng nakatayo din,” dagdag niya.

Nag-iba naman diumano ang turan ng salarin nang siya ay pinosasan. Bigla daw itong nagbaliw-baliwan.

Tingin ng biktima ay nagpapanggap lang na may problema sa pag-iisip ang babaeng salarin dahil sa matino naman itong kausap noong umpisa.

Napag-alaman na may anak pala ang suspek. Kahit umiiyak, nagmamakaawa ang anak na sana ay huwag ipakulong ang nanay niya, ngunit desididong magsampa ng reklamo si Estacio.

“Wala akong magagawa dahil baka may mga mabiktima pa tong iba,” paliwanag niya.

Agad namang nakaani ng pansin ang post ni Estacion.

Ayon kay D. Jacobe, may kakaiba daw talaga sa babaeng suspek dahil noong binigyan nila ng barya, ibinato diumano ito sa kalsada. Lagi daw nitong bitbit ang anak na noon ay sanggol pa at madalas tumambay sa nasabing mall.

Imahe mula sa Facebook account ni J. Estacio

“Namalimos siya sa shop namin likod SM North nung inabutan ng bente biglang nagwala siya, buti may asong bantay, di na nakapasok sabay sumigaw na ako para makuha ko atensiyon. Sa taranta niya, bigla siyang tumakbo,” kuwento naman ni E. Nirac.

Duda naman ng iba na nagpapanggap lang na may problema sa pag-iisip ang suspek. Tama lamang daw na ikulong para mabigyan ng leksyon.

Hiling naman ng ibang netizens, sana madala sa isang mental institution ang salarin; samantala, ipaubaya na muna sa pangangalaga ng DSWD ang bata.

Umaasa si Estacio na magsilbing babala sa mas marami ang nangyari sa kanya. Sa huli, nagpasalamat siya sa lahat ng tumulong sa kanya

Loading…