Malinis at maluwag na Divisoria, posible pa ba?

Imahe mula sa Facebook | Armani Chua Fashion
  • Usap-usapan ngayon ang mga kumakalat na litrato ng Divisoria – malinis, maluwag at walang trapiko
  • Halo-halong reaksyon ang natanggap nito mula sa mga netizens
  • Ilang beses na ring pinag-utos ang paglilinis ng Divisoria ng lokal na gobyerno, hanggang kailan kaya ito tatagal?

Halo-halong reaksyon ang mga netizens sa bago at napakalinis na hitsura ng bangketa at mga kalsada sa Divisoria nitong Hunyo 21, taong kasalukuyan.

Sa post ng Armani CHUA Fashion sa Facebook account nito, kitang-kita ang mga larawan ng mga bangketa sa tanyag na pamilihan, ang Divisoria. Malinis, maluwag, walang trapiko – ang imahe na minsan mo lang makita sa lugar na ito. Pinasalamatan nito ang bagong halal na Manila Mayor na si Isko Moreno.

Imahe mula sa Facebook account ni Armani Chua Fashion

Bagama’t ngayong taon ay muling nakita na malinis ang Divisoria, hindi na rin ito bago dahil ilang beses na ring ipinag-utos ng lokal na gobyerno ng Maynila na linisin ang lugar.

Noong 2016, bago ang inagurasyon ng bagong halal na Pangulong Rodrigo Duterte ay iniutos ng Mayor ng Manila na si Erap Estrada ang paglilinis sa kalye ng Divisoria-Recto.

Taong 2017, Disyembre ay muling ipinag-utos ni dating Manila Mayor Erap Estrada na puspusang linisin ang mga bangketa para hindi mahirapan ang mga mamimili sa inaasahang dagsa ng tao dahil bisperas ng Pasko. Matatandaan na isa sa mga ipinangakong programa ni Pangulong Duterte ang paglilinis ng mga kalsada at pagliligpit ng basura sa mga bangketa.

Marami ang natuwa sa ganitong kalagayan ng mga kalsada sa Divisoria ngunit mayroon ding duda na hindi ito masusustine at babalik din sa dati.

Imahe mula sa Facebook account ni Armani Chua Fashion

Ayon kay netizen J. Manangan, “Sus Erap style ngayon lang yan. After 1 month balik na ulit yan sa dati. Maalala pelikula talaga ang mga mayor ng Manila.”

Halos ganoon din ang komento ni L. Javier: “After 3 months picture ulit kayo ganito. Ganyan din nung pumasok si Erap. Linis nung unang buwan.”

Sumang-ayon din dito si I. Samparada at hiniling na sana daw ay hindi lamang sa umpisa ang paglilinis at magkaroon sana ng matibay na political will.

Ipinagpasalamat naman ito ni A. Carreon dahil hindi na raw siya mahihirapang magbitbit ng trolley sa masikip na daan.

“Ang sarap at presko ka papasok sa work kapag laging ganito,” banggit naman ni M. Demegillo.

Nabansagang isa sa pinakamagulo at makalat na bangketa ang Divisoria sa Maynila. Dahil kilala ito bilang ‘pambansang palengke’ ay dagsa ang mamimili lalo na kung papalapit na ang Pasko. Pumapalo sa 1.5 milyong mamimili ang dumadagsa sa Divisoria mula Nobyembre hanggang Disyembre. Araw-araw ay sinasadya ito ng mga mamimili para sa mga pinakamurang presyo ng mga produkto lalo na kung bultuhan o pakyawan ang bibilhin.

Sa iyong palagay, kaya bang imintini ang kalinisan ng Divisoria sa pangmahabang panahon o ito’y suntok sa buwan lamang?

Loading…