Grab Food driver, nawalan ng pambili ng gatas ng anak dahil sa prank order

Imahe mula sa Facebook Acoount ni J. San Diego
  • Grab food driver, idinaan sa social media ang reklamo sa isang customer
  • Umorder ng 30 pcs milk tea ang customer pero sa huli ay kinansela
  • Nanawagan ang driver na seryosohin ang kanilang trabaho, iwasan ang ‘prank orders’
Imahe mula sa Facbook Account ni J. San Diego

Isang Grab Food driver ang nakiusap sa social media na huwag maging kasanayan ang prank orders.

Sa post ni E. Dilan sa kanyang social media account, sinabi niya na nakatanggap siya ng order na 30 piraso ng milk tea. Nag-alangan pa siya dahil sa maraming naglipana na fake booking kaya ingat din siya. Pero ayon sa ka-transaksyon niya, totoo at walang halong biro ang order. Kaya naman binili niya pa rin ang order na nagkakahalaga ng P2,250.

Ang kaso, bago pa niya maideliver, nag-cancel na ang customer at sinabing ‘prank’ lang.

“Salamat po nawalan po ko pang bili ng gatas ng anak ko,” tugon ni Dilan sa customer.

Imahe mula sa Facebook Acoount ni J. San Diego

Matapos ang insidenteng ito, idinaan niya sa social media ang apela na huwag sanang gawing biro ang fake bookings dahil ang tulad nilang Grab Food drivers ang nalulugi.

Nakisimpatya naman ang maraming netizens kay Dilan.

Sa post naman ni J. San Diego, umapela siya sa vloggers na itigil na ang ‘prank orders’ dahil hinihikayat lang nito ang followers, lalo na ang kabataan, na gayahin sila. Dagdag niya, hindi alam ng prank customers ang maaaring epekto ng kanilang pagbibiro sa mga naghahanapbuhay na Grab Food Drivers.

Nakiusap din siya sa mga kabataan na huwag maglaro ng prank.

“Mali na manloko ng tao. Please lang. I hope and pray this is the last time na may isang baby na mawawalan ng gatas, pamilya na posibleng walang bigas at ulam dahil may isang taong naglaro lang,” dagdag ni San Diego.

Napag-alaman namang menor-de-edad ang customer na nag-prank kay Dilan. Sa litrato namang ibinahagi ni J. Dilan, may kasunduang pinirmahan ang magkabilang panig. Nagbayad sa halagang P2,500 ang bata at guardian nito kay E. Dilan. Nasusulat din sa kasunduan na hindi maghahabol ng anumang liability si Dilan sa kahit kanino sa kanila.

Imahe mula sa Facebook account ni J. San Diego

Sa kasalukuyan ay binura na rin ni E. Dilan ang kanyang naunang post tungkol sa isyu. Gayunpaman, maging paalala sana ito na ang mga prank o pagbibiro sa ganitong bagay ay hindi kaaya-aya kaya’t sana’y iwasan na.

Ikaw, ano ang masasabi mo? Paano nga ba maiiwasan ang fake booking tulad nito?

Loading…