Mahigit 600 na container, ‘naglaho’ sa Port of Manila

Image from UNTV
  • Mahigit 600 na container umano ang nawawala mula sa Port of Manila
  • Dahil dito, nawalan ang gobyerno ng hanggang 500-milyong halaga ng buwis
  • Mayroon din daw mahigit 6,000 ‘overstaying’ na mga container sa Customs

MAYNILA, Pilipinas – Bigla umanong nawala ang mahigit sa 600 na shipping container sa Port of Manila noong nakaraang taon. Ito ang ibinunyag ng isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kamakailan.

Sa panayam ng GMA News kay Assistant Commissioner Atty. Jet Maronilla, sinabi nitong ‘naglaho’ umano ang mga nasabing container sa pagitan ng Abril at Agosto 2018 kung kailan ang BOC ay pinamumunuan pa ni dating Commisioner Isidro Lapeña.

For illustrative purposes only|Image from BOC-POm Facebook page

Ayon pa kay Maronilla, aabot mula sa P100-milyon hanggang P500-milyon ang halaga ng buwis na nawala sa gobyerno dahil sa naturang pangyayari.

Nadiskubre ang nasabing iregularidad matapos magsagawa ng malawakang evaluation ang BOC sa Port of Manila nitong nakaraang Enero.

Noong Pebrero 22 naman umano nang ipag-utos ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang pagbuo ng isang special investigation committee para imbestigahan ang iregularidad. Subalit noong araw din mismo ay biglang sumiklab ang sunog sa BOC-Port of Manila kung saan naapektuhan ang isang palapag ng gusali nito.

BOC Asst. Comm. Atty Jet Maronilla|Image capture of GMA News vidoe via YT

Naniniwala ang ilang opisyal ng Customs na ang nangyaring ‘sunog’ ay sinadya para itago ang posibleng ‘ebidensiya’ ng nangyayaring milagro. Mabuti na lamang, ayon pa kay Maronilla, na naisalba nila sa sunog ang mga kaukulang dokumento.

Dagdag pa ng opisyal, 5 empleyado na ng BOC ang iniimbestigahan dahil sa hindi pagtupad sa kanilang tungkulin kaugnay ng nasabing insidente, habang ilan pa ang sinampahan na ng kasong adminsitratibo dahil sa posibleng pagkakasangkot ng mga ito.

Samantala, hindi pa naglalabas ng kaniyang pahayag si Lapeña tungkol sa nasabing isyu.

For illustrative purposes only|Image from BOC-POM Facebook page

Kamakailan ay naglabas din ng report ang Commision on Audit (COA) kung saan nadiskubre umano nito na 97 container ang pinayagang makalabas ng BOC kahit na walang binayarang PMS (post-entry modification of Single Administrative Document) assessments na umaabot sa mahigit P5-milyon.

Maliban dito, mayroon din umanong  6,985 na container na ‘overstaying’ na nang 1 buwan hanggang 25 taon at karamihan dito ay mayroong lamang bigas, asukal at iba pang pagkain na donasyon para sa mga nagdaang kalamidad sa bansa.

Loading…