Saan aabot ang 25 sentimo mo? Konduktor ng bus, ipinambili ang naipong 25 sentimo sa paboritong fast food chain

Imahe mula sa Facebook account ni J. Soriano
  • Isang kuwento ng simpleng pagsisikap ang nakaantig ng puso ng mga netizens sa social media kamakailan
  • Hindi nahiyang gawing pambayad ng isang customer ang inipong tig-25 sentimo sa isang fastfood chain
  • Hinangaan ang customer dahil sa tiyaga nito at pagpapahalaga sa maliliit ng bagay

    imahe mula sa Facebook account ni J. Soriano

Sa Facebook post ni Justine Soriano, empleyado ng McDonald’s SM City San Pablo, ay ibinahagi niya ang kuwento ng customer nilang si Joy Anne Montilla. Napansin diumano niya si Joy Anne na may bitbit na bag ng plastik na may lamang tig-25 sentimo. Ang mga naipong 25 sentimo na ito ang ipinambayad niya sa inorder na pagkain.

Sa salaysay ni Joy Anne, inipon daw niya sa loob ng kalahating taon ang mga barya. Matiyaga niya itong sinimot mula sa bus na pinatatrabahuhan niya bilang konduktor. Determinado siyang mag-ipon para makakain sa tanyag na fastfood na inendorso ng paborito niyang celebrity na sina Maine Mendoza, Alden Richards at Lola Nidora.

At kahit pa hinikayat na ni Soriano si Joy Anne na maupo na at kumain na habang silang crew ang magbibilang ng pambayad ay hinintay nitong matapos ang pagbibilang.

“Nung natanggap niya na ang pagkain niya hindi mababayaran ang ngiti sa kanyang mga mata,” kuwento ni Soriano.

Umani naman ito ng papuri mula sa netizens.

Imahe mula sa Faceboot account ni J. Soriano

Ayon kay J. Trix, classmate daw niya noong college si Montilla at bagama’t may special needs ay hindi ito naging hadlang para magawa ang gusto niya. Binanggit din niya na magaling ito sa klase at paborito ang subject na Philippine history.

“Every value of money has an importance and roles in our society,” komento ni C. Velasco. “Hindi mabubuo ang halagang piso kung walang bentesingko sentimos,”dagdag niya.

Saludo naman si K. EM kay Montilla. Hiling nito na sana ay maraming tulad niya ang nagsusumikap sa matinong paraan para makuha o mabili ang gusto.

Napag-alamang regular na customer si Montilla ng fastfood branch na ito sa Laguna. Mula sa pagiging barker ng jeep ay naging konduktor ito ng isang bus line sa Alabang South Station.

Nakaka-good vibes naman talaga ang ganitong mga kuwento ng simpleng pagsusumikap na sana ay tularan ng mas marami pa!

Loading…