Dating broadcaster Jay Sonza, inirereklamo ng netizen dahil sa malisyosong paggamit nito ng kanyang litrato

Imahe mula sa Facebook account ni J. Sonza
  • Nagalit ang isang netizen sa ginawang public post ng dating broadcaster na si Jay Sonza 
  • Ginamit ni Sonza ang larawan ni Kathe Luna para patamaan ang isang kongresista
  • Humihingi ng public apology si Luna sa pambabastos diumano ni Sonza

“Jay Sonza, kahit sino hindi deserve mabastos ng ganito!” 

Ito ang bungad na pahayag ni Kathe Luna matapos gamitin ang kanyang litrato ng dating broadcaster na si Jay Sonza sa isang Facebook post na ito na tila patungkol sa isang kongresista.

Sa Facebook post ni Sonza naisulat ang “Parang si Risa lang. Nang mapuwesto sa philhealth nag bagong anyo. ganito rin itong pinaghahanap kahapon sa senado. dating panay sa kalye, ngayon, uma-aura na rin sa mga beaches.”

Imahe mula sa Facebook account ni K. Luna

Inilinaw ni Luna na hindi siya ang taong pinatutungkulan ni Sonza. Dagdag nito, sana ay ginagamit ni Sonza ang kanyang pinag-aralan at pagiging miyembro ng media para sa kabutihan at hindi makapanira ng tao.

“Hindi muna kayo nag double or triple check,” dagdag ni Luna. Sinabi rin nitong nabastos ang kanyang pagkababae dahil sa mga malisyosong komento ng followers ng kilalang broadcaster.

“May nagugulo po kayong buhay na tahimik at pribado! Sana maging masaya ka sa trending mong post at pagpalain ka pa ng Diyos,” giit ni Luna.

Hinamon din ni Luna si Sonza na aminin ang pagkakamali at magbigay ng public apology sa ginawa nito.

Imahe mula sa Facebook ni K. Luna

Pinaalalahan niya ang lahat na maging maingat sa mga sinasabi o pino-post sa social media dahil sa kapangyarihan nitong magpakalat ng impormasyon, tama man o mali.

“Always be responsible sa mga actions natin. And again, Jay Sonza, kung may b*lls ka at may takot ka sa Diyos, aminin mo pagkakamali mo.”

Umani naman ng suporta si Luna mula sa kanyang mga kaibigan at kapamilya. Pinapayuhan siyang sampahan ng kaso si Sonza para matauhan at huwag nang gayahin ng iba pa.

Lumitaw din ang mga litrato ni Kabataan Party-list representative Sarah Elago na siya diumanong tinutukoy ng post ni Sonza. May pagkakahawig daw kasi si Luna kay Elago, ayon sa mga netizens.

Binura naman ng Facebook account ni Sonza ang nasabing post pero wala pang inilalabas na paglilinaw kaugnay sa isyung ito.

Loading…