Aso na sinipa ng isang driver, may kakaibang resbak

Imahe kuha mula sa video ng Ryan Latest World News via YouTube channel
  • Sa isang siyudad sa China, isang lalaking driver ang nanakit sa asong gala sa parking lot
  • Pagkatapos ng insidente ay umalis ang aso pati na rin ang lalaki matapos nitong i-park ang sasakyan
  • Di kalaunan ay bumalik ang asong sinipa kasama pa ang iba pang aso at ppinagtulungan nilang kagatin ang sasakyan ng lalaking nanipa
Imahe mula sa video ng Ryan Latest World News via YouTube channel

Bilang mga nabubuhay na nilalang, ang mga hayop ay mayroon ding mga pakiramdam at emosyon tulad ng mga tao.

Sila rin ay nakararamdam ng tuwa, takot, pagkagulat, gutom, lungkot, at iba pa. Bukod sa sila ay matatalino, magaling ding magmasid sa kanilang kapaligiran ang mga hayop at matuto mula sa mga nakikita.

Mayroong mga ugali ang hayop na minsan ay bago sa ating mga paningin o ‘di kaya ay hindi natin inaasahan.

Sa isang video na kumalat sa Internet makikita ang isang aso na may kakaibang paghihiganting ginawa laban sa taong nanakit sa kaniya.

Sa China, ibinalita ng China Central Television (CCTV) ang insidente kung saan ang isang lalaki ay walang pakundangang sinaktan ang walang kamalay-malay na aso sa isang parking lot sa siyudad ng Shijiazhuang.

Imahe kuha mula sa video ng Ryan Latest World News via YouTube channel

Ayon sa website na Healthy Food House, ang aso umanong sinaktan ay umalis na sa parking lot habang ang lalaking driver ay umalis na rin matapos nitong iparada ang kanyang kotse.

Ngunit hindi nagtagal, namataan na bumalik ang aso sa parking lot kung saan siya sinipa. Sa pagkakataong ito, may mga kasama na siyang ibang aso at tila tropang nagkakaisa na pinagkakagat nila ang sasakyan; kasama na rito ang windshield at side mirror.

Mapapansin umano sa video na kuha ng isa umanong dumaan na netizen na mayroon pa silang tila “lookout” upang siguraduhin na walang paparating na tao.

Imahe kuha mula sa video ng Ryan Latest World News via YouTube channel

Pinaniniwalaan na ang lalaking nanipa ay nakatira lamang malapit sa parking lot.

Sa China, walang batas na nagpo-protekta sa mga galang hayop tulad ng aso. Kaya naman kalimitan sa kanila ay ginagawan ng masasamang bagay o ‘di kaya naman ay sinasangkot sa mga ilegal. Samantala, ang nanakit sa isang hayop na pagmamay-ari o alaga ng isang tao ay maaaring maparusahan ng “damaging property.”

Pabor naman ang mga netizens sa ginawa ng kinawawang aso. Wala umanong karapatan ang lalaking manakit ng hayop. Maaari naman daw itong magbusina upang paalisin ang aso.

Loading…