Aso, nagkulay asul pagkatapos paliguan

Imahe mula kay Camille Joy Villanueva
  • Viral ngayon ang litrato ng aso pagkatapos itong paliguan
  • Ayon sa uploader, napagkamalan daw ng kaniyang tito na nagpaligo sa alaga nilang aso na shampoo ang isang pakete ng pangkulay ng buhok
  • Umani ng iba’t ibang reaksyon ang litrato mula sa mga netizens at mayroon na ito ngayong halos 27k reactions sa FB
Imahe mula Unsplash

Mahalaga ang pagpapaligo sa mga alagang hayop lalo na kung ang mga ito ay nakatira na rin sa loob ng bahay.

Ngunit hindi inirerekomenda ang halos araw-araw na pagpapaligo sa mga alagang hayop lalo na sa aso.

Ayon sa website na Canine Journal, mainam na paliguan ang mga aso isang beses kada tatlong buwan. At maaari din daw silang paliguan nang bahagya “every other week.” Kung nangangamoy na rin umano ang mga alaga, mainam na sila ay paliguan na.

Mahalaga ang pagpapaligo sa mga alagang aso dahil hindi lang ito nagpapalinis sa kanilang mga katawan kundi nagtatanggal din ito ng mga peste na naninirahan sa kanilang katawan at buhok.

Pagkakataon na rin umano ng amo na suriin ang katawan ng kanilang alagang aso kung mayroon itong sugat kapag ito ay pinapaliguan.

Payo ng Canine Journal, mainam na umpisahan ang pagpapaligo sa mga alagang hayop mula paa hanggang ulo. At kung ito ay binabanlawan na ay umpisahan naman mula ulo hanggang sa kanilang buntot.

Payo rin ng website, mainam na bumili at gumamit ng mga shampoo at sabon na pang aso upang maiwasan ang pagkakaroon nila ng skin irritation.

Marami sa mga Pinoy ang nagpapaligo ng kanilang mga alagang aso gamit ang sabon at shampoo na ginagamit rin nila sa pagligo.

Ang iba naman ay gumagamit ng sabon panlaba upang matanggal ang mga garapata ng alagang aso at maging mabango ang mga ito.

Ngunit paano kung pagkatapos mong paliguan ang iyong alagang hayop ay hindi lang ito naging malinis kundi nag-iba rin ang kulay?

Imahe mula kay Camille Joy Villanueva via Facebook

Ito ang nangyari sa alagang aso ng netizen na si Camille Joy Villanueva na kaniyang ibinahagi sa Facebook.

Sa post ni Camille na mayroon nang mahigit 30k reactions na kalimitan ay “Haha”, ang alagang aso nila na may pangalan na “Tulpo” ay nagkulay asul pagkatapos paliguan ng kaniyang tito.

Ayon kay Camille, inakala ng kaniyang tito na shampoo ang pangkulay ng buhok kaya ito ang kaniyang nagamit habang pinapaliguan si Tulpo.

Nagtataka raw ang tito ni Camille kung bakit hindi matanggal ang kulay ng ginamit na shampoo. Hanggang sa binanlawan na nga si Tulpo at bumungad sa kanila ang kulay asul nitong balahibo.

Nagmukha umanong avatar o si Stitch ang asong si Tulpo na cute na cute sa kaniyang bagong kulay.

Okay naman po si baby Tulpo namin, safe naman po siya at washable po ito. Hindi lang po nabasa ni tito ko ‘yung sachet,” ani Camille sa kaniyang post.

Source: Facebook, Canine Journal

Loading…