‘Dapat kang mabuhay’: Shamaine, may nakaaantig na mensahe sa mga nawawalan ng pag-asa

Image capture from ABS-CBN DocuCentral's video | Facebook
  • Emosyonal na nagbigay ng mensahe ang aktres na si Shamaine Buencamino sa mga taong nawawalan na ng pag-asa
  • Matagal-tagal na rin simula noong gawing advocacy ni Shamaine ang pagpapalaganap ng mental health awareness
  • Noong 2015, nawala sa kanila ang anak na si Julia Buencamino nang wakasan nito ang sariling buhay

Emosyonal na nagbigay ng mensahe ang aktres na si Shamaine Buencamino sa mga taong may mental health condition at nawawalan na ng pag-asa sa buhay; isang mensahe na nagbigay ng inspirasyon sa marami matapos itong ibahagi ng ABS-CBN DocuCentral sa Facebook.

Image capture from ABS-CBN DocuCentral’s video | Facebook

“Kung nahihirapan ka, hindi ka nag-iisa. Hindi mo iyan kailangang dalhin mag-isa. Maraming nagmamahal sa iyo, kahit sa palagay mo wala. Dapat kang mabuhay kahit sa palagay mo bigat lang ang dadalhin mo sa mga mahal mo. Kahit naniniwala ka na ikaw na ang pinakawalang kuwentang tao sa mundo, hindi totoo ‘yon,” aniya.

“Nilabas ka sa mundo, mahal ka ng Diyos, at sigurado ako, may nagmamahal sa iyo. Kailangang maniwala ka na mayro’ng dahilan kung bakit ka nandito sa mundo. May sakit ka lang, kaya kailangan magpagaling ka,” wika pa ng aktres sa clip ng dokumentaryo na maaaring mapanood sa iWant.

Matagal-tagal na rin simula noong magsimula si Shamaine na magsalita tungkol sa mental health at magbigay ng inspirasyon sa mga taong nakaiisip nang wakasan ang lahat.

“It was a very conscious decision na magkaroon ng advocacy. Kasi ang una ko ngang ano noon, ‘Sana sinabi sa ‘kin ng anak ko. Bakit hindi niya sa ‘kin sinabi? Gano’n bang magulang ako na hindi niya sa akin masabi iyong sakit niya?’ E kapag masakit naman ang tiyan niya, sinasabi niya sa akin, ‘pag masakit ang ulo niya. So sabi ko, ‘yong bata dapat maturuan na dapat sabihin din sa magulang,” aniya, dagdag pa na dapat ay maging bukas din ang mga magulang.

Noong 2015, nawala sa kanila ang anak na si Julia Buencamino nang tapusin nito ang sariling buhay.

Image capture via Facebook

Sa isang episode ng “Magandang Buhay”, ibinahagi ni Shamaine ang tungkol sa kanilang “Julia Buencamino Project”:

Sources: ABS-CBN DocuCentral, Magandang Buhay

Loading…