‘Katulad din natin sila’: Lalaki, pinakyaw lahat ng binebentang ibon para palayain

Image capture from Bozz Quizon's Facebook video
  • Pinakyaw ng isang lalaki ang lahat ng ibinebentang ibon ng isang ale
  • Aniya, katulad din ng tao ang mga ibon na may karapatang lumaya dahil nilikha rin ito ng Diyos
  • Hinangaan ng marami ang ginawang ito ng lalaki

Noon pa man ay waring isang normal na tanawin na ang bentahan ng maliliit na ibon sa mga matataong lugar; sa plaza, sa simbahan, sa labas ng paaralan, at iba pa. Sa murang halaga, maaari na itong mabili, maiuwi, at gawing alaga. Ngunit para sa isang lalaki, ang mga ibon ay hindi dapat ikinukulong at pinababayaan dapat lumaya.

Image capture from Bozz Quizon’s Facebook video

Kaya naman nitong nakaraan, isa-isang nagliparan palabas ng kani-kanilang munting kulungan ang mga ibon na ipinagbibili ng isang ale. Binayaran kasi ng hindi nagpakilalang lalaki ang lahat ng tinda niya, kapalit ang pagpapalaya niya sa mga ito.

“Napakabait ni tatay binili lahat ng tinda na ibon ni ate. Naawa raw siya,” saad ng nag-post ng video na si Bozz Quizon.

Bagama’t hindi tukoy kung sino sa mga naroroon ang bumili ng mga ibon, maririnig sa background ang lalaking ito na nagsasabing, “Wala naman tayong pinagkaiba sa kanila, pareho lang tayo nilalang ng Diyos.”

Hinangaan ng maraming Facebook users ang kabutihan ng hindi nakikilalang lalaki.

“Tama po si tatay. Lahat tayo may karapatang mabuhay,” kumento ng Facebook user na si Joyce Camporedondo.

“Dalawa natulungan mo, mga ibon at ‘yong vendor. Babalik ang mga ibon na ‘yan sa bukid… ‘pag binili kasi ng mga bata ‘yan ginagawang laruan at bihira ang nakaka-survive,” sabi ni Zaire Lambino.

“Birds are not meant to be caged. They are meant to fly. Bless you, Sir,” wika naman ni Lio Herno.

Mayroon din daw iba na ginagawa rin ang ginawa ng matanda, katulad ni Larcena Rocky. Aniya, “Naiyak ako, ginagawa ko kasi ‘yan, kaso dahil wala naman ako perang madami, bumibili lang ako ng lima, minsan tatlo lang, para pakawalan.”

I-click ang imahe para mapanood ang video.

Sources: Facebook

Loading…