Motor, nawala matapos ipaubaya ng guard sa taong walang ticket ‘dahil may emergency’

Image capture via Facebook
  • Humingi ng tulong ang babaeng nanakawan ng motorsiklo sa isang supermaket
  • Sa isang video, idinaing ng babae ang pagpapalabas ng guard sa lalaking nagpanggap na may-ari ng motor niya kahit wala itong tiket
  • Ayon sa guard, hinayaan niya ito dahil ang sabi raw nito ay may emergency

Umiiyak na nanawagan ng tulong ang isang babae matapos itong mawalan ng motorsiklo sa isang supermarket dahil hinayaan ng guwardiya ang nagpanggap na may-ari nito na makalabas kahit walang maipakitang ticket.

Image capture via Facebook

Sa video na ini-upload ng Home and away Ph, humingi ng tulong ang isang customer sa pamunuan ng Puregold Makati matapos palabasin ng guwardiya ang taong nagpanggap na may-ari ng motorsiklo niya kahit wala itong ipinakitang ticket.

“Pagkalabas ko po ng Puregold, after ko mag-grocery, wala na po ‘yong motor ko sa parking. Ito na lang ang natira sa akin, ‘yong parking ticket. Ang kuwento po sa akin ng mga witness, may nakalabas daw na isang motor na walang parking ticket. Ang reason daw, emergency,” saad ng babae na nawalan ng sasakyan at ang tanging hawak na lang ay ang ticket.

Gayunman, batid daw niya na hindi dapat binabalewala ang nasabing ticket dahil nakasulat mismo sa kapirasong papel na iyon na may multang P300 ang sinumang makakawala nito. Kailangan ding magpakita ng orihinal na certificate ng sasakyan at dalawang valid IDs bago pa makuha ang sasakyan.

“Kaso po kanina, parang hindi naman po iyon ipinatupad ng mga guard,” daing ng babae.

“Sana po matulungan n’yo ako, Puregold, na maibalik ‘yong sasakyan ko. Nag-grocery po ako sa Puregold,” panawagan niya. Hiling din niya sa mga security guards na maging mahigpit ang mga ito para sa seguridad ng mga mamimili.

I-click ang imahe para mapanood ang video.

Loading…