Nag-diet? May jet lag? Payat na Jollibee sa Canada, kinaaliwan sa social media

Images via Flip Doctolero | Facebook
  • Kinaaliwan sa social media ang larawan ng payat na Jollibee sa Canada branch ng fast food restaurant
  • Sa Facebook, ibinahagi ng isang netizen ang nasabing litrato; kung saan nakakuha ito ng libo-libong reactions at shares
  • May mga nagsabing na-stress ito o ‘di kaya’y nag-diet; may mga nagbiro rin na baka may jet lag lang dahil galing pang ‘Pinas

Naging iconic na parte na ng sikat na fast food restaurant na Jollibee ang mascot nito; madalas imbitado sa mga children’s party, palaging isinasali sa mga picture taking, at maging ang simpleng pagkamay sa kanya ay nakapaglalagay ng ngiti sa mga labi. Hindi maitatangging bata man o matanda ay kinagigiliwan ito.

Image capture via Facebook

Pero paano kung isang nangangayayat na Jollibee ang bumisita sa branch na kinakainan mo?

Sa larawang ini-upload ng social media user na si Flip Doctolero, makikita ang isang payat na Jollibee na nakikisaya sa grand opening ng branch nito sa Alberta, Canada. Payat na payat ito at waring gawa pa sa papel ang ilang bahagi ng katawan nito. Hindi rin ito masyadong kamukha ng totoong mascot ng Jollibee.

“Jollibee grand opening! Ano’ng nangyari sa ‘yo, Jobee?” pabirong tanong ni Doctolero sa caption ng litrato.

Gayunman, kinaaliwan pa rin ito ng marami. Sa katunayan, as of posting ay nakakuha na ito ng mahigit 15,000 reactions at lampas na 34,000 shares. Nakatanggap na rin ito ng maraming kumento at shares.

“Na-home sick. Nagre-recober. Hahahaha,” saad ng Facebook user na si Aspiras Gil Milanes.

“Balik ka na sa ‘Pinas, Jabee, namamayat ka na kaka-work diyan,” kumento ni Jacob Renz Llegado Guce.

“Itanong natin kay Jollibee kung ano’ng secret n’ya ba’t s’ya namayat nang ganiyan bigla,” sabi Edna Bugarin.

Wika naman ng iba, baka stressed si Jollibee o hindi kaya ay nag-diet. Puwede rin naman daw na nagka-jet lag ito dahil galing pa ng Pilipinas. May mga nagbiro rin na nagkaganoon ang Jollibee na iyon dahil sa haba ng pila sa counter noong opening day nito; dahil talaga namang inabangan, dinagsa, at pinilahan ng mga tao ang pagbubukas ng nasabing branch.

Image via Flip Doctolero | Facebook

Loading…