Patricia Javier, pambato ng Pilipinas sa Noble Queen of the Universe 2019

Imahe mula kay Patricia Javier via Instagram
  • Magiging pambato ng Pilipinas ang aktres na si Patricia Javier sa darating na Noble Queen of the Universe 2019
  • Ang kompetisyon ay lalahukan ng 30 pang mga bansa at gaganapin dito sa Pilipinas sa darating na Disyembre
  • Ang pageant ay may layong itampok ang mga may asawa nang kababaihan na may puso sa pagtulong at pagpapaunlad sa mga komunidad

Matatandaang itinanghal na Mrs. Universe Philippines 2018 ang aktres na si Patricia Javier.

Imahe mula kay Patricia Javier via Instagram

Ang Mrs. Universe ay isang patimpalak na nilalahukan ng mga kababaihan na nasa edad 25 hanggang 45 upang gamitin ang kanilang mga talino at impluwensya para sa ikauunlad ng komunidad.

Gayun pa man, hindi makakalahok si Patricia sa Mrs. Universe 2019 pageant na gaganapin sa Guangzhou, China sa darating na Disyembre hanggang Enero 2020.

Conflict umano ang gaganapin na patimpalak sa plano ng kaniyang pamilya para sa paparating na holidays. Ngunit hindi dito nagtatapos ang pageant journey ng aktres. Kamakailan ay napabalitang si Patricia ang napiling pambato ng Pilipinas sa Noble Queen of the Universe 2019 na gaganapin dito sa bansa.

Ang patimpalak na ito ay naglalayong itampok ang mga kababaihang may asawa at may puso sa pagtulong at pagpapaunlad sa mga komunidad ng iba’t ibang lipunan.

Sasalihan ng 30 pang mga bansa ang patimpalak at gaganapin ang coronation night sa Disyembre 1 sa Manila Hotel.

Imahe mula kay Patricia Javier via Instagram

Sa interview ng GMA News TV, ibinahagi ni Patricia ang kaniyang galak sa darating na pageant. Handa na umano siyang sungkitin ang korona.

This pageant, of course, is all about advocacy. They are looking for women who are really helping the community,” dagdag pa ng aktres.

Maganda rin umano ang layunin ng patimpalak na hikayatin ang mga kababaihan na umpisahan ang pagbabago sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagsulong ng pakikipagtulungan at pagpapayabong ng pagkakaibigan.

Imahe mula kay Patricia Javier via Instagram

Hindi ito ang unang beses na sumali sa ganitong uri ng patimpalak si Patricia. Una siyang nakilahok sa Binibining Pilipinas na ginanap noong 1998. Wala man siyang naiuwing korona noon, naging daan naman ito upang makapasok siya sa pagiging artista.

Sa ngayon ay kasal si Patricia sa kilalang chiropractor na si Robert Walcher at mayroon na silang dalawang anak.

Sources: GMA Network Balitambayan, GMA News Online, Rappler

Loading…