Pusa at daga, magkasalo sa kainan

Imahe mula sa Facebook account ni Ariel Ledesma
  • Sikat ngayon ang video ni Ariel Ledesma ng isang pusa na kumakain kasalo ang isang daga sa Laguna 
  • Dinagsa naman ng komento ang post dahil sa kakaibang kuwento nito
  • Samantala, sa Pichit, Thailand ay may magkaibigan ding pusa’t daga na sina “Huan the Cat” at “Jerry the Mouse”

Alam nating hindi kasundo ng pusa ang daga kaya nga tayo nag-aalaga nito para itaboy ang mga daga na minsan ay mapanira sa ating mga kagamitan.

Imahe mula sa video ni Ariel Ledesma via Facebook

Subalit naiiba ang istorya ng video na in-upload ni Ariel Ledesma ng San Pablo City, Laguna na pinamagatan niyang “May Kuwentang Pusa”.

Sa video,  makikitang kumakain ang isang puting pusa habang maya’t maya ay lumalapit ang isang daga at nakikisalo pa sa kanyang pagkain.  Minsan naman ay kumukuha lang ito at aalis upang ilagay sa isang sulok at babalik pagkatapos.

Ayon kay Ariel, ito ang unang pagkakataon na nakita niya ang pangyayari sa pusang ligaw na kanilang pinakain.  Siya naman ay tila naiinis dahil wala umanong pakialam ang pusa sa daga.

Ba’t kaya ganon si Mingming?  Gutom lang kaya siya? o tinatamad? O baka naman may namumuo na silang samahan?  Narito ang reaksyon ng mga netizens:

“Kuya, gutom yung pusa wala pa siyang energy makipaghabulan sa daga anjan ka naman, bat di ikaw gumawa.”

“Baka po nalulungkot yung mingming at yung mickey mouse lang ang pal niya, kaya hayan friends po sila.”

“Baka naman may utang na loob siya sa daga Sir.”

Sa aming pagsasaliksik ay may iba pang tambalan ang naibahagi na sa internet na may kinagigiliwan ding istorya at ito ay sina “Huan the Cat” at “Jerry the Mouse” sa Pichit, Thailand.

Ayon sa may-ari na si Charanai Charoontum ay dati naman daw na humahabol ng daga si Huan.  Ngunit nagbago ito nang makita niya ang isang batang daga sa aparador.  Inalagaan umano nito si Jerry na siyang naging resulta ng pagiging malapit nila sa isa’t isa.

Mahirap nga naman makipagkaibigan sa isang kaaway pero minsan baka kailangan nating subukan para mabuhay tayo nang matiwasay, mapayapa at walang kinikimkim na galit kagaya ng halimbawang ito.

Narito ang video ng nagsasalong pusa’t daga.
I-click ang imahe para mapanood ang video

Sources:  Facebook   Youtube

Loading…