“Sana all:” Magkasintahan, pasok sa top 10 Physician Licensure Exam 2019

Imahe mula kay Carlo Jay Dejelo
  • Pinupuri ngayon ng maraming netizens ang viral photo ng isang magkasintahan sa Facebook
  • Ang magkasintahan kasi na ito ay parehong pasok sa top 10 ng katatapos lang na 2019 Physician Licensure Exam
  • Kasama umano sa “relationship goals” ng dalawa ang makapasa at makapasok sa top ng nasabing exam
Imahe mula Freepik

Sa isang relasyon, maraming mga bagay ang nais makamit at matupad ng dalawang taong nagmamahalan.

Nauuso sa social media ang iba’t ibang “relationship goals” ng mga magkasintahan na kalimitan ay kanilang ibinabahagi sa social media upang magbigay inspirasyon sa iba.

Kalimitan sa mga nasa listahan ng relationship goals ay ang pagpunta sa iba’t ibang magagandang lugar, pagbili ng sariling bahay o ‘di kaya naman ay sasakyan, o ang pagkakaroon ng sariling negosyo.

Ang mahalaga sa pagkamit ng relationship goals ay ang sabay na pag-unlad ng magkasintahan kahit na ilang beses man silang mahirapan.

Ito ang napatunayan ng magkasintahan na sina Carlo Jay Dejelo at Febby Diabordo, dahil sa hirap man ng kanilang pag-aaral at pagpapausbong ng kanilang relasyon, sila ay nagtagumpay nang sabay.

Si Dejelo at Diabordo kasi ay pasok sa top 10 ng katatapos lang na 2019 Physician Licensure Exam.

Sa post ng Philippine Star Facebook page kamakailan, humakot ng mahigit 48,000 reactions ang litrato nila Dejelo at Diabordo na may caption na: Relationship goals! A couple from the De La Salle Medical and Health Sciences Institute both made it into the top 10 of the 2019 Physician Licensure Examination.

Imahe mula kay Carlo Jay Dejelo via Facebook

Nasa pang sampung puwesto si Carlo Jay Dejelo, habang ang kaniya namang kasintahan na si Febby Diabordo ay pang-anim.

Ani ng magkasintahan, sa anim na taon nilang relasyon ang pagpasok sa top 10 ng Physician Licensure Exam ang isa sa kanilang relationship goals.

Nagtapos ang magkasintahan ng Bachelor’s Degree in Chemistry sa Silliman University sa Dumaguete City noong 2012.

Sa parehong taon, sabay nilang kinuha ang Chemistry Licensure Examination at pareho ring nakapasa.

Imahe mula kay Febby Diabordo via Facebook

Habang taong 2014 ay napagpasyahan nilang pumasok sa medical school. Pareho silang tinanggap sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute (DLSHSI) at nabigyan ng full scholarship.

Ayon kay Dejelo, hindi umano sila nahirapan ng kaniyang kasintahan sa kanilang relasyon kahit na pareho silang nag-aaral at may mahihigpit na schedule.

Ito umano ang mga pangyayaring mas lalo pang nagpatatag ng kanilang relasyon.

“It’s not hard for us to be in a relationship while in med school since both of us understood the toxicity of our schedule. We just made sure that we spend quality time with each other,” ani Dajelo.

Source: Facebook, Facebook

Loading…