
- Isang aso sa Batac, Ilocos Norte na pinangalanang Stanley ang binigyan ng espesyal na pamamaalam ng kanyang tagapag-alaga
- Bago pumunta sa sementeryo ay pinabendisyunan pa muna ito sa simbahan
- Naging mala-tao rin ang pagtrato sa pagkawala nina Angelina at Tisoy na kapwa rin taga-Ilocos Norte
May mga alaga talagang nagtatak ng magandang alaala sa kanilang amo kaya naman nasusuklian sila nito ng mas higit pa.

Isang aso sa Batac, Ilocos Norte ang binigyan ng disenteng seremonya na parang tao sa kanyang pagyao. Ito ay pinaglamayan at idinaan pa sa simbahan para mabendisyunan bago ito dinala sa huling himlayan.
Alaga ni Richard Agustin Jr ng halos dalawang taon ang asong si Stanley na isang shih tzu. Si Stanley ay itinuring na kapamilya na kung kaya’t pinaghahandaan din tuwing kaarawan nito.
Anemia umano ang dahilan ng pagkawala ng minamahal nilang si Stanley.
Samantala, tila likas na mapagmahal ang mga Ilokano sa kanilang mga alagang aso. Noong January 2018, sa Sarrat, Ilocos Norte ay binigyan din ng kahalintulad na pamamaalam ang labrador na si Angelina na alaga ng isang retired school principal na si Gloria Rarama. Halos anak na umano ang turing niya sa aso dahil ito na ang naging kasa-kasama niya nang mawala na ang kanyang nag-iisang anak. Inoperahan dahil sa bukol si Angelina ngunit hindi ito nagtagal. Umabot sa 100 katao ang nakiramay.
Sa Pinili, Ilocos Norte naman ay gayun din ang pagtrato sa asong si “Tisoy” na nasagasaan naman ng isang van. Ang may-ari ay nagpasadya pa ng ataul para rito. Tatlong buwan pa lamang na alaga ng may-ari si Tisoy pero parang kapamilya na ang turing nito sa kanya.

Ang mga aso ay kilala bilang “man’s bestfriend” dahil sa pagmamahal nito sa atin nang walang kondisyon. Kaya nakalulungkot isiping kagaya ng tao ay hindi rin sila permanente sa mundong ibabaw. Dahil dito ay nararapat din na bigyan natin sila ng maayos na pakikitungo hanggang sa kanilang huling sandali.
Sources: YouTube ABS CBN GMA News