Nostalgia: ‘Hotdogs and mallows on stick’ na patok noon sa birthdays, nawala na ba sa uso?

Image via ?Luzviminda Obina Ortiz? | Facebook
  • Usong-usong sa mga birthday celebrations noon ang ‘hotdogs and mallows on stick’
  • Madalas itusok ang mga ito sa pinya; maaari rin sa ubod o sa upo o sa repolyo
  • Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng mga miyembro ang old school na handa noon sa mga kaarawan na tila ba unti-unti nang nawala sa uso

Bukod sa cake, isa sa mga star ng children’s party ang “hotdogs and mallows on stick” na itinusok sa isang matibay na prutas o gulay gaya ng pinya, ubod, repolyo, at upo.

Image capture from Facebook

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng mga miyembro ang old school na handa noon sa mga kaarawan na tila ba unti-unti nang nawala sa uso. Wika ng nag-upload ng litrato na si Luzminda Obina Ortiz, “Noon, tuwing may birthday, hindi nawawala ito. Ngayon, bihira na lang ang gumagawa nito.”

Mabilis na bumalik ang mga miyembro sa panahon ng kanilang kabataan; ang mga simpleng sandali kung kailan masaya na sila sa simpleng mga hotdog and mallows on stick na nakahanda sa kanilang kaarawan.

Pero paglilinaw ng marami, kahit pa ang inaabangan na ng maraming bata ngayon ay ang dessert table na may chocolate fountain, hindi pa naman daw tuluyang nawawala sa sirkulasyon ang paboritong handa na ito ng mga bata noong unang panahon; lalo na sa birthday celebrations ng mga nakatira sa probinsya, kung saan waring tradisyon na ito at talaga namang kumukumpleto sa bawat selebrasyon ng kaarawan.

Sa katunayan, may mga magulang pa na nagbahagi kung kailan sila huling gumawa ng ganitong handa para sa kanilang mga anak. Sabi pa ng ilan, ginagawa raw nila ito para sa mga bata dahil sila mismo ay kinalakihan nang bahagi ito ng handaan.

Image via ?Luzviminda Obina Ortiz? | Facebook

Kung matatandaan, hindi lamang ito basta maganda sa paningin, kung hindi produkto rin ng pagmamahal at pagkamalikhain. Mayroong iba’t iba ang laki ng hotdogs, mayroong iba’t ibang hugis ng marshmallows, at pinag-iisipan din maging ang pattern o salitan ng mga hotdog at marshmallow. Ikaw, natatandaan mo pa ba kung kailan ang huling kaarawan mo na kabilang ito sa iyong mga handa?

Source: Facebook

Loading…