Sa ngalan ng ‘suwerte’: Tortoise sa zoo, dinikitan ng basket sa shell para hagisan ng barya

Image capture from YouTube | TomoNews US/Weibo
  • Dinikitan ng basket sa shell ang isang tortoise para hagisan ng barya
  • Pinaniniwalaang may dalang suwerte ang mga tortoise kaya naman naengganyo talaga ang mga turista na maghagis dito
  • Matapos kumalat ang mga litrato, ipinangako ng mga may-ari ng zoo na paiimbestigahan nila ito

Isa ka ba sa mga naniniwala sa mga bagay na itinuturing na suwerte ng marami? Isa ka ba sa mga mahihilig maghagis ng barya sa wishing well kapalit ng isang kahilingan? Kung minsan, hindi na napapansin ng iba na sa labis na pagsunod nila sa mga pamahiin ay nakaaapekto na sila sa mga wala namang kinalaman sa kanilang pinaniniwalaan.

Image capture from YouTube | TomoNews US/Weibo

Sa China, umani ng batik0s ang sikat na Nanning Zoo matapos mag-viral ang mga litrato ng isang tortoise na may nakadikit na basket sa shell nito. Ayon sa mga nag-post sa Chinese microblogging website na Weibo, dahil pinaniniwalaang may dalang suwerte ang mga tortoise, maraming turista ang naeengganyong maghagis ng barya sa basket na nakadikit sa likod nito.

Pagbabahagi ng netizen na si Tea-tia, ang mga larawan na kuha noong selebrasyon ng National Day ay nagpapakita lamang na ang mga nasa likod nito ay malinaw na nananamantala lamang sa mga mapamahiing turista at walang pakialam sa hirap na mararamdaman ng mga hayop. Nanawagan din siya sa mga pulis, media, at sa National Forestry Bureau na imbestigahan ito.

“I don’t know why the zoo would use this method to exhibit precious animals,” sabi pa niya.

Suportado ng maraming social media users at animal lovers ang panawagang ito ng netizen. Hiling nila, sana ay maaksyunan ito sa lalong madaling panahon.

Image capture from YouTube | TomoNews US/Weibo

Bagama’t hindi naglabas ng isang official statement Nanning Zoo, sinabi ng isang kinatawan nito na ipinangangako nilang paiimbestigahan nila ang mahalagang bagay na ito.

Sources: YouTube, Oddity Central

Loading…