Tapat na drayber, nagsauli ng naiwang pitaka ng pasahero

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News
  • Isang taxi driver ang nagsauli ng naiwang pitaka ng pasahero
  • Ang pitaka na may lamang P18,000 ay pagmamay-ari ni Bernabeth Tuliao na masayang nakuha ulit ito
  • Tapat si Arvin na drayber  dahil alam niya ang pakiramdam ng mawalan ng pera at may takot siya sa Panginoon

Sa panahon ngayon ay nakatutuwa na mayroon pang mga drayber na mapagkakatiwalaan.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News

Sa ulat ng ABS-CBN, nitong dumaan na Lunes ay nagsauli ng naiwang pitaka ang taxi driver na si Arvin Bataan sa Laoag Police Station.  Noong tinanong kung binuksan ba niya ang pitaka upang tingnan ang laman nito ay narito ang kanyang sagot.

“Hindi na ma’am kasi baka may mawala ma’am eh.”

Ang pitaka ay pagmamay-ari ni Bernabeth Tuliao ng Sarat, Ilocos Norte.  Bumalik siya sa isang mall para hanapin ang pitaka at tiyempo na nagkita sila ng drayber kaya sinamahan niya ito para kunin sa istasyon ng pulis.

Laking tuwa naman ni Bernabeth na naibalik ang pera niya na may kabuuang halaga na mahigit P18,000.

“Nagpapasalamat po ako na sana marami pa siyang matulungan.  May God bless po sa mamang taxi,” sabi niya.

“Nasubukan ko na rin po na nawalan ng pera o mga ganon din po ma’am.  At saka may takot din po ako sa Panginoon,” kuwento ni Arvin.

Si Arvin ay mula Barangay Bayubay Sur, sa San Vicente Ilocos Sur.  Dati siyang ahente ng frozen products at dalawang buwan pa lamang na namamasada ng taxi.  Ang misis niya ay isang domestic helper  at mayroon silang dalawang taong gulang na anak.

Iclick ang Imahe para mapanood ang video ng ABS-CBN News

Isang kapwa taxi driver naman na si Rex Macatulad ang may pahayag sa mg kasamahan niya.  Payo niya, “Kung may maiwan sa loob ng taxi dapat maibalik sa may-ari para maengganyo ang mga tao na sumakay.”

Saludo kami sa iyong katapatan, Arvin!  Ikaw ay isang mabuting ehemplo sa mga drayber.

Sources:  ABS-CBN News   ABS-CBN News

Loading…