71-anyos na gumawa ng presidential shoes noong SONA, tampok sa Sapatos Festival ng Marikina

Images via Cha Echaluce
  • Tampok sa Sapatos Festival 2019 ang mga likha ng 71-anyos na si “Tatay Oly”
  • Si Tatay Oly ang gumawa ng sapatos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang SONA
  • Opisyal nang binuksan ng Marikina City Government ang Sapatos Festival 2019 nitong Lunes, Nobyembre 11; bukas ang sale hanggang December 29

Kabilang sa mga tampok sa Sapatos Festival ngayong taon ang mga likha ng 71-anyos na si Rolando “Tatay Oly” Santos; ang Marikeño na nasa likod ng pares ng sapatos na isinuot ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) niya.

Image via Cha Echaluce

Sa pagbubukas ng Sapatos Festival 2019 nitong Nobyember 11, isa-isang binisita ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang mga booth ng mga shoe manufacturer sa tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines”. Kabilang sa mga personal na binisita ng alkalde ay ang booth ni Tatay Oly na malugod namang ipinakita ang kanyang mga produkto.

Halos dalawang dekada na ring gumagawa ng mga sapatos sa kanyang maliit na shop sa Brgy. Sto. Niño si Tatay Oly bago niya nakilala ang presidente, na aniya ay pinakamalaki niyang kliyente sa haba ng panahon niya sa shoe industry. Noon daw ay mga estudyante at mga nag-oopisina ang mga nagpapagawa sa kanya ng sapatos.

Sa isang panayam, inalala ni Tatay Oly kung gaano siya kasaya na isang mataas ng opisyal pa ng bansa ang nakadiskubre sa kanya. Aniya, “Hindi ako makapagsalita noong nasa harapan ko na si Presidente. Nagsasalita lang ako kapag kinakausap niya ako.”

Ang mga katulad ni Tatay Oly na mga simple ngunit mahuhusay na sapatero ay nabibilang daw sa pinakamahahalagang dahilan kung bakit ginagawa ang taunang “Sapatos Festival” sa Marikina.

“Pagsasapatos, ito ang industriya kung saan naging tanyag ang Marikina, ‘ika nga, ‘The Shoe Capital of the Philippines.’ Sa pagkakagawa ng unang pares ng sapatos, bahagi na ito ng aming kasaysayan,” ani Mayor Marcy habang binubuksan ang pinakamalaking shoe bazaar sa lungsod na matatagpuan sa Marikina Freedom Park hanggang Disyembre 29.

Image via Cha Echaluce

“Higit sa pagiging bahagi ng ekonomiya, ang pagsasapatos ay bahagi ng kasaysayan, kultura, pagkakakilanlan ng bawat taga-Marikina. Turing namin dito ay isang labor of love, gawang kamay, gawang may pagmamahal. Bawat pares ng sapatos ay may kuwento—kuwento ng gumawa, paano ginawa, at bakit ginawa, at para kanino ginawa,” dagdag pa ng kasalukuyang ama ng lungsod.

Tampok sa festival ang 48 manufacturers mula sa Marikina City. Bukod sa mga footwear, nagtitinda rin sila ng mga bag, belt, at iba pang gawa ng mga Marikeño. Ang mga dekalidad at abot-kayang produktong ito ay ipinagmamalaki worldwide.

“I am urging the public to visit the Marikina Shoe bazaar and buy Marikina-made products. Let’s support our quality local products to boost our economy,” ani Noel Box, officer-in-charge of Marikina Shoe Industry Development Office.

Images via Cha Echaluce

Loading…