Crew ng fast food chain, isang PWD: “Hindi hadlang ang mayroon kang kapansanan para magkapagtrabaho”

Imahe via @Fran Rusti | Facebook
  • Isang lalakeng crew ng McDonald’s at may kapansanan sa paningin ang nakilala ng isang netizen
  • Kahit na bulag ay gustong ipakita ng crew na hindi hadlang ang kapansanan upang siya ay makapagtrabaho
  • Nagsimulang magbigay ng oportunidad ang
  • McDonald’s na makapagtrabaho ang mga senior citizens at PWD noong Setyembre

Marami sa ating mga kababayang may kapansanan ang hindi nawalan ng pag-asa na umunlad sa buhay.

Imahe via @Fran Rusti | Facebook

Isa na rito ang crew ng McDonald’s na ibinahagi ng isang netizen sa kanyang Facebook post.  Kumakain si Fran Rusti sa fast food nang tinawag niya ang isang crew upang ipalinis ang mesa.   May lalakeng papunta sa kanya subalit napansin niyang mabagal itong kumilos.  Nang makalapit na, nakita niya ang nakalagay na “I am a special crew” sa uniporme nito.  Pagtingin niya sa mukha ng crew ay napansin niyang bulag pala ito.  Namangha si Fran at  tinanong ang lalake kung bakit kahit may kapansanan ay nagtatrabaho pa rin siya.

“Sir, kailangang gumalaw po hindi porke’t may kapansanan maghihintay na lang ng tulong or aruga sa ibang tao.  Gusto ko po kasing ipakita sa ibang tao na hindi hadlang ang meron kang kapansanan para magkatrabaho. Sadyang tamad lang ‘yong mga taong maraming rason sa buhay.  Ayaw lang nila gumalaw,” paliwanag ng lalake.

Napangiti si Fran sa bilib dito.  Pinuri rin ng mga netizens ang pagsisikap ng lalake.  Ayon sa kanila, ang ganitong halimbawa ang siyang dapat tularan ng mga kagaya niya.  Humanga rin sila sa kabutihang loob ng McDonald’s dahil tinanggap  nito sa trabaho ang isang PWD.

Imahe via @Fran Rusti | Facebook

Sa katunayan ang hakbang nito ng fast food chain ay nagsimula noong Setyembre kung saan nakipagkasundo ito sa mga opisyal ng Manila sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno na tumanggap ng 80 senior citizens and 40 PWDs bilang mga “order presentors, drink drawers, table managers and guest relations staff” sa  40 na outlet nito sa Manila.

Sinundan din ito ng pagpirma ng kaparehong kasunduan ng McDonald’s ngayong Nobyembre sa Lungsod ng Pasig sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto.

Nakagagalak isipin na nabibigyan ang mga senior citizens at PWD ng oportunidad na makapagtrabaho sa mga ganitong establisimento.  Dahil dito, napupukaw ang kanilang pag-asa na kumita at mamuhay nang normal.

Loading…