Lahat ng guro sa ‘Shoe Capital of the PH’, makatatanggap ng libreng sapatos mula sa lungsod

Images via Marikina LGU
  • Ipinag-utos ng alkalde ng Marikina City ang pagbibigay ng libreng sapatos sa lahat ng guro at non-teaching personnel sa lungsod
  • Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, gawa ang mga ito ng mga sikat na shoe manufacturers sa Marikina
  • Para sa pamunuan ng lungsod, karapat-dapat ang mga guro sa dekalidad na sapatos

Makatatanggap ang lahat ng guro at non-teaching personnel ng libreng leather shoes mula sa Marikina City, ang lungsod na tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines”.

Image via Marikina LGU

Bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga guro at non-teaching personnel sa paghubog ng kinabukasan ng mga estudyante, ipinag-utos kamakailan ni Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang pamimigay ng isang pares ng leather shoes sa bawat isa sa kanila.

“Our teachers are our second parents. Napakahalaga nila sapagkat sila ang tumatayong ama’t ina sa ating mga anak sa loob ng paaralan. Walang sawa silang nagtuturo at nagpapasensya sa ating mga anak upang maturuan sila at magkaroon ng magandang buhay balang araw,” saad ni Teodoro, na nagturo noon ng Philosophy sa University of the Philippines.

“Ito ay munting pasasalamat ng lungsod Marikina sa ating masisipag na guro, isasama ko na rin iyong mga guard at canteen staff,” dagdag pa ng alkalde.

Ayon sa datos mula sa Department of Education-Marikina, mayroon ngayong 2,846 teaching and non-teaching personnel sa lungsod. Tiniyak ng pamunuan ng lungsod na lahat sila ay makatatanggap ng isang pares ng sapatos.

Image via Marikina LGU

Sa pagsisimula ng distribusyon, ang alkalde mismo ang pumunta para papiliin ang mga guro mula sa mga disenyo ng Lara Erika Shoes at Checkpoint Shoes.

Para makakuha ng sapatos, kailangan ipakita ng mga guro ang tiket na ibinigay sa kanila. Maaari na silang pumunta sa Marikina City Hall para papalitan ng sapatos ang tiket na ito.

“Bibigyan ko po kayo ng ticket para ma-claim ninyo ang inyong mga sapatos. Ang mga sapatos na ito ay magaganda ang kalidad. Gawa ito ng dalawa sa ating manufacturers rito sa Marikina,” ani Teodoro

Source :

Facebook

Loading…