Lalake sa Dagupan, nagpapakain ng mga pusa sa kalye araw-araw sa loob ng halos tatlong dekada

Imahe via @Mainam sa Mata at The Pangasinan Nomad | Facebook
  • Agaw pansin sa Facebook ang isang lalake sa Dagupan na araw-araw nagpapakain sa mga pusa sa kalye
  • Siya si Freddie Doria o Pugot na halos tatlong dekada nang ginagawa ito
  • Ayon sa isang netizen, isang panaginip ang nag-udyok sa kanya na gawin ito

May mga taong kahit sakto lang ang kita sa hanapbuhay, sila pa ang mas mapagbigay sa mga nangangailangan.

Imahe via @The Pangasinan Nomad | Facebook

Tulad na lang ng isang lalake sa post ng The Pangasinan Nomad.  Ang lalakeng ito sa Dagupan ay araw-araw umanong pumupunta sa kalye sakay ng kanyang bike na may dalang mga isda.  Ang mga ito pala’y ipinamimigay niya sa mga  pusang gala sa kalye.  Ang mga pusa nama’y tila alam na rin ang kanyang iskedyul at malayo pa lang siya nagsisitkbuhan na ito palapit sa kanya.

Ayon sa kuwento sa mga nakakakilala sa kanya, siya si Freddie Doria na may palayaw na Pugot.  Matagal na siyang nagtatrabaho sa Lyceum Northwestern University bilang janitor at ayon naman sa iba’y hardinero din ito ng paaralan.

Noong isang taon pa naging viral ang kuwento ni manong sa Facebook page na  Mainam sa Mata subalit nakunan na naman siya ng panibagong larawan ngayong taon kaya muling nabigyan ito ng pansin ng mga netizens. 

Imahe via @Mainam sa Mata | Facebook

Sa katunayan, may isang netizen na nagkuwento  kung gaano katagal na itong ginagawa ni manong Freddie.

Bata pa lang asawa ko nakikita na niya nagpapakain siya ng pusa sa Tapuac araw-araw.  7yrs old pa lang asawa ko noon. Ngayon 35 yrs old na asawa ko nagpapakain pa rin pala siya, Nakakatuwa naman. True hero.”

Ngunit ano nga ba ang nag-udyok sa kanya na mamahagi ng pagkain sa mga pusa araw-araw?

Ayon sa isang netizen na dating estudyante ng Lyceum ikinuwento umano sa kanya ni manong na minsan na itong nagkasakit na halos ikinamatay nito. Napaginipan nito na inalagaan siya at pinakain ng mga pusa hanggang sa gumaling. Kaya mula noon naging panata na nito ang pagpapakain sa kanila.

Totoo man o hindi ang kuwentong ito, ang sigurado’y maraming gutom na pusa ang napasaya dahil sa kanyang mabuting gawain.

Saludo kami sa ‘yo, manong! Pagpalain ka nawa ng Diyos.

Loading…