Lalake sa Nueva Ecija, inihandog ang mga gawa niyang miniatures matapos niyang maging ‘provincial scholar’

Imahe kuha mula @Serbisyong Matapat para sa Novo Ecijano | Facebook
  • Kahanga-hanga si Jayson de Luna na nagkaloob ng kanyang mga gawang miniatures sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija bilang ganti sa ibinigay sa kanyang scholarship sa pag-aaral
  • Bata pa lamang siya, mahilig na siyang gumawa ng mga modelong bus gawa sa karton ng Zest-O
  • Ulila na ngayon sa mga magulang si Jayson subalit tuloy  pa rin siyang lumalaban sa buhay at ibinabahagi ang kanyang talento na para sa kanya ay ipinahiram ng Diyos

Isang residente sa Bayan ng Laur ang hinahangaan sa kanilang lugar dahil sa angking kabutihan at talento.

Imahe kuha mula sa @Serbisyong Matapat para sa Novo Ecijano | Facebook

Buong pusong ipinagkaloob ni Jayson de Luna sa kapitolyo ang kanyang mga gawang miniatures ng mga istruktura sa Lalawigan ng Nueva Ecija  kagaya ng welcome arch, Provincial Capitol at pati DWNE teleradyo.  Masayang naman itong tinanggap ni Governor Oyie Matias-Umali na napabilib sa pagsisikap ni Jayson na ipakita ang kanyang mga nilikha sa mga Novo Ecijano.

Ayon sa panayam ng Kicker Daily News, ang paghahandog na ito ay bilang pasasakamat niya sa ipinagkaloob na scholarship sa kanya ng pamahalaan ng probinsya.

“Ginawan ko po sila kasi provincial scholar po ako rito sa amin para po bang pagtanaw ng utang na loob dahil kung hindi naman ako naging scholar, wala naman po ako rito ngayon,” paliwanag niya.

Paraan na rin ito ni Jayson para isulong ang lokal na turismo ng Nueva Ecija. Mula pa man noong kapanahunan ng dating governor at ngayon ay congresswoman Cherry  Umali ay isa na siyang advocate sa turismo ng lalawigan.

Elementarya pa lamang si Jayson, kinahiligan na niyang gumawa ng mga models ng bus gamit ang kahon ng Zest-o.  Sa kolehiyo, nagsimula na siyang  gumawa ng mga miniatures ng mga istruktura kung saan pinakaunang natapos niya ang model ng SM Cabanatuan.  Lahat ng ito ay gawa mula sa papel o 100% recycled materials. 

Imahe kuha mula @Jayson Rabino de Luna | Facebook

Maliban dito, marami pang ibang kayang gawin si Jayson. Nariyan ang pagpipinta ng portraits, calligraphy at pagka-cut outs.

Nakapagtapos siya ng kursong BSED Major in Biological Sciences at pumasa na rin sa LET ( Licensure Examinations for Teachers).  Pangarap niya sana maging arkitekto subalit lumisan ang kanyang ama noong highschool siya kaya’t naging kapos sila sa budget sa pag-aaral.  Dalawang buwan naman ang lumipas nang mawalan naman siya ng ina.  Marami nang pinagdaanan si Jayson subalit pilit siyang nagpapakatatag.

“Siguradong masaya na mga magulang ko kung nasaan man po sila ngayon,” sabi niya.

Layunin ni Jayson sa mga obra niya na makapanghikayat ng ibang kabataan maliban sa kanilang lalawigan na ilabas ang kanilang talento.

Imahe kuha mula @Jayson Rabino de Luna | Facebook

“Hindi ko po ginawa ‘yan para maging sikat o magmayabang sa tao.  I want to show my talent na ipinahiram ng Diyos sa akin po.’

Mabuhay ka, Jayson!  Hindi ka lang magaling sa iyong ginagawa kundi mabuti rin ang iyong kalooban.

Loading…